SA kanyang State of The Nation Address (SONA), ipinangako ni Pangulong Duterte na ipagpapatuloy niya ang kanyang war on drugs. Ito, aniya, ay gaya ng dati na walang awa at kakila-kilabot. “Kung sa akala ninyo ay mapipigil ninyo ako na ipagpatuloy ang labang ito ng inyong mga kilos-protesta, na sa akin ay misdirected, nagkakamali kayo. Sa mga human rights group, ang inyong pakialam ay karapatang pantao, sa akin, buhay ng tao,” sabi ng Pangulo. Aniya, sa akin, ang ibig sabihin ng human rights ay bigyan ang mga Pilipino, lalo na iyong mga nasa laylayan ng lipunan, ng disente at marangal na kinabukasan sa pamamagitan ng social at physical infrastructure na kailangan para mapabuti ang kanilang buhay.
Unang-una, hindi naman tinututulan ang kanyang paglaban sa ilegal na droga. Bakit mo hahayaang makapinsala ito sa mamamayan? Ang hindi katanggap-tanggap ay ang pagpapairal ng programa para supilin ito. Kaya tinututulan ang war on drugs ng Pangulo ay dahil karahasan at kamatayan ang kaakibat nito laban sa mga sangkot sa droga. Kung totoo na sangkot sila sa droga, ang pumapatay lang ang nagsasabi. Walang pakundangan sa buhay at sa proteksyong ibinibigay sa mga ito ng batas at ng sibilisadong lipunan.
Kailangan ang proteksyong ito dahil sa pagsilang ng tao, may kasama na siyang mga karapatan na hindi mo maiaalis sa kanya, pangunahin na nga ang mabuhay. Maipagkakait mo lang ang buhay na ito sa kanya sa tamang proseso. Ang prosesong ito ay ang ginawa ng Panginoong Diyos nang parusahan niya sina Adan at Eba, bago niya pinalayas ang mga ito sa Paraiso. Pinagpaliwanag muna si Adan kung bakit nila sinuway ang kanyang utos na huwag kainin ang bunga ng isang puno sa lugar na ito.
Kaya iyong sinabi ng Pangulo na ang pinahahalagahan niya ay ang buhay ng tao at hindi ang karapatang pantao ay magkasalungat na katawagan. Hindi mo puwedeng pahalagahan ang buhay ng tao nang hindi mo pinahahalagahan ang kanyang karapatang pantao.
Marahil sa konteksto ng kanyang sinabi, ang pakahulugan niya ay magkaiba ang mabibiktima ng kanyang war on drugs at ang mabibiktima ng mga gumagamit ng droga. Ang layunin ng kanyang kampanya laban sa droga ay gawing ligtas ang lipunan laban sa mga hango at sangkot sa droga kahit pagpatay ang pamamaraan na ginagamit laban sa mga ito. Mali pa rin ang Pangulo.
Ang pamamaraang ito ay walang puwang sa sibilisadong lipunan na ang kinikilala ay lakas ng katwiran at hindi katwiran ng lakas, lakas ng batas at hindi batas ng lakas. Walang sinumang makapangyarihan ang pwedeng ilagay sa kanyang kamay ang buhay ng tao. Ang karapatang pantao ay napakanipis na linyang nasa pagitan ng tao at hayop. Ito ang magbubukod-bukod sa kanila. Sagasaan mo at burahin ang karapatang pantao at wala nang pagkakaiba ang tao sa hayop. Wala nang pagkakaiba ang sibilisadong lipunan at ang gubat na ang tanging batas ay lakas.
-Ric Valmonte