MARAMING pamilya at mga pamayanan ang sinalanta ng baha nitong nakaraan, gayundin ng malalakas na hanging dulot ng masamang panahon na humagupit sa ilang mga lalawigan. Nakalulungkot na tila walang magawang mabisang tugon ang bansa laban sa mga kalamidad.
Kaugnay nito, nagbibigay ng bagong pag-asa ang pahayag ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, kung saan himimok niya ang Kongreso na lumikha ng isang kawanihan o ahensiya ng pamahalaan na tutugon sa mga hamon ng kalamidad at tutulong sa mga Pilipino na pagtagumpayan at lupigin ang lupit at kahirapang dulot nito.
Ang panawagan ng Pangulo ay batay sa House Bill 6075 ni Albay Representative Joey Salceda sa Kongreso, na nagpapanukalang lumikha ng Department of Disaster Resilience (DDR) na lilinang at mangangasiwa sa isang malawak at mabisang “climate-disaster governance program”, na siyang tutugon sa pananalasa ng mga kalamidad at titiyak sa tuluy-tuloy na pag-unlad ng kabuhayan at ekonomiya ng bansa.
Nauna nang inaprubahan ni Pangulong Duterte ang panukala ni Salceda sa huling pagpupulong ng gabinete, at isinama nga ito sa kanyang SONA bilang isa sa pitong mga prioridad ng kanyang administrasyon. Itinalaga na ng Kongreso si Salceda para pamunuan ang isang ‘technical working group’ nito para pagsama-samahin sa kanyang bill ang 43 iba pang katugmang panukala at tapusin ang pinal na balangkas nito para pagtibayin ng plenaryo ng Kamara.
Gaya ng giit ni Salceda, sadyang mahalaga ang pagkakaroon ng DDR na mabisang magsusulong sa isang makabuluhang ‘economic blueprint’ lalo na at patuloy na lumalakas at lalong nagiging malupit at mapaminsala ang mga bagyo.
Partikular na kritikal ang sitwasyon ng Pilipinas. Pangatlo tayo sa 171 bansang itinuturing na “most exposed and vulnerable to natural calamities,” at pang-13 sa Climate Change Vulnerability Index. Dagdag pa rito, 74 na porsyento ng ating populasyon at 80 porsyento ng buong kalupaan ay kinilalang ‘vulnerable’ sa mga kapahamakan, kasama ang Maynila.
Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na itinatag noong 2010 sa ilalim ng RA 10121, ang nangunguna ngayon sa mga pagkilos laban sa mga kalamidad, ngunit ang kahinaan nito ay nabilad pagkatapos manalasa ni Super-typhoon Yolanda noong 2013, na kumitil ng libu-libong buhay at gumiba sa bilyun-bilyong pisong halaga ng mga imprastruktura at ari-arian.
Papalitan ng DDR ang DRRMC at isasailalim dito ang Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na saklaw ngayon ng Department of Science and Technology (DOST); Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Bureau of Fire Protection (BFP) ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
-Johnny Dayang