SA wakas, isang batas na lumilikha ng bagong awtonomiyang rehiyon ng Muslim Mindanao ang inaprubahan ng Kongreso sa ikalawang araw ng ikatlong regular na sesyon ng 17th Congress, nitong Martes.
Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang papalit sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), na nilikha ng 1987 Constitution makaraan ang panahon ng batas militar. Gayunman, itinuring na kulang ang ARMM para makamit ang pangangailangan at kahilingan ng mga mamamayan ng Bangsamoro. Naging dahilan ito upang maglunsad ng laban ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) para sa pagkamit ng mas malawak na pagsasarili.
Nilalaman ng Bangsamoro Basic Law ang mga probisyon na ipinaglalaban ng MILF sa mga nakalipas na panahon, probisyon na nagbibigay sa mga mamamayan ng Bangsamoro ng tiyak na mas maraming kalayaan at oportunidad para sa paglaki at pag-unlad, na umabot sa pagluha ng pinuno ng MILF peace panel na si Mohagher Iqbal nang maaprubahan na sa wakas ang pinal na teksto ng batas noong nakaraang Huwebes. “It took us more than 20 years to realize our dreams,” aniya.
Binuo ang Bangsamoro Basic Law sa panahon ng nakaraang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ngunit sa pagtatapos ng kanyang administrasyon, bigo itong makapasa sa 16th Congress, nang tuluy-tuloy na i-boycott ng mga kontrang mambabatas ang pinal na sesyon upang magkaroon ng problema sa quorum. Inabot pa ito ni Pangulong Duterte, sa kanyang pagkahalal noong 2016, na siyang tumanggap ng misyon, kasabay ng deklarasyon na kailangang maitama ang inhustisya sa kasaysayan ng mga Moro.
Para sa mga nangangamba na ang bagong rehiyon ng Bangsamoro ay para lamang sa hangarin na humiwalay ito sa Republika ng Pilipinas, tinutugunan ito ng batas na lumilikha sa BARMM sa pamamagitan ng pag-aalis ng orihinal na teksto sa pariralang “right to self-determination.” Ang Bangsamoro autonomous region ay isang integral na bahagi ng Pilipinas at ibinibigay ng mga mamamayan nito ang kanilang katapatan sa pamahalaan ng Pilipinas at sa Konstitusyunal nitong kinatawan.
Ang pagkakatatag ng bagong awtonomiyang rehiyon ay dapat na makatulong sa paghahatid ng kapayapaan at kaayusan sa maraming bahagi ng Mindanao na ngayon ginagambala ng mga operasyon ng iba’t ibang grupo kabilang ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at ang Abu Sayyaf, na binubuo naman ng mga mandirigmang Moro sa kumakalaban sa kapangyarihan ng pambansang pamahalaan.
Mas malaking problema ang inihahatid ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ng sarili nitong New People’s Army (NPA) na dating namamalagi sa liblib na kabundukang rehiyon ng Luzon ngunit ngayo’y piniling manatili sa mas liblib na mga rehiyon ng Mindanao. Nananatiling walang katiyakan ang pakikipagpulong sa CPP-NPA, lalo’t hindi magkasundo ang magkabilang panig sa pagpapatupad ng tigil-putukan. Bagamat sa dalawang taong pakikipag-usap ng administrasyong Duterte, nagawa nitong magkasundo sa maraming konstitusyunal at pulitikal, gayundin ang mga repormang panlipunan at ekonomiya. Patuloy tayong umaasa na muling bubuhayin ang usapang pangkapayapaan at mabigyan ng wakas ang dekadang rebelyon ng CPP-NPA sa bansa.
Sa ngayon, sapat nang sa wakas ay narating natin ang kasunduan para sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao. Isa itong malaking hakbang ng pagsulong hindi lamang para sa mga mamamayan ng Bangsamoro kundi para sa lahat ng mga Pilipino bilang isang bansa.