SUMANDIG ang Xavier School Golden Stallions sa krusyal na opensa nina Darren Sytin at Miguel Tan para magapi ang University of Santo Tomas Tiger Cubs, 77-73,nitong Linggo sa 16th Fr. Martin Cup Division 2 basketball tournament.

Ratsada sina Sytin at Tan sa huling tikada ng final period para maihatid ang Golden Stallions sa unang panalo sa Group A ng junior division sa St. Placid gymnasium sa loob ng San Beda-Manila campus sa Mendiola.

Kumubra si Tan ng 26 puntos, habang tumipa si Sytin ng 13 puntos para sa Golden Stallions.

Somosyo ang San Beda-Mendiola A Red Kittens sa Golden Stallions nang gapiin ang Rich Golden School Montessori, 82-79, sa Group B ng junior contest.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kumana si Bryan Mesina ng 22 puntos, habang umiskor si Kenneth Espiritu ng 15 puntos.

Sa iba pang laro, nagwagi ang Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa Marshalls sa San Sebastian Stags via default, habang nagwagi ang La Salle Green Archers-B sa University of Perpetual Help Altas, 96-81, sa senior division encounters.

Namayani naman ang St. Joseph College of Bulacan sa guest team BBC, 91-83, sa isa pang collegiate match.

Samantala, naitala ng St. Joseph College of Bulacan ang ikalawang sunod na panalo laban sa San Beda-Rizal via default.

Nagsalansan naman si John Urmeneta ng 17 puntos sa panalo ng Chiang Kai Shek Blue Dragons kontra Mapua Red Robins, 92-77.

Ayon kay Commissioner Robert de la Rosa, may kabuuang 15 collegiate team ang sumabak sa liga habang 16 sa high school class.