Umabot na sa mahigit P1.3 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastruktura at agrikultura ng epekto ng habagat na pinalakas ng magkakasunod na bagyong ‘Henry’, ‘Inday’, at ‘Josie’, iniulat kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ibinahagi ni Undersecretary Ricardo B. Jalad, Executive Director ng NDRRMC at concurrent administrator ng Office of Civil Defense (OCD), na base sa pinakabagong tala nilang natanggap, may kabuuang P1,377,090,104.90 halaga ng mga nasirang imprastruktura at pananim ang naitala sa Regions 1, 2, 3, CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan), VI at a Cordillera.
Ayon kay Jalad, P480,369,000 dito ay pinsala sa imprastraktura, habang P896,721,105 naman sa agrikultura.
Sa pinakabagong bilang, tinatayang 250,536 pamilya, o 1,132,666 katao, ang apektado sa 167 barangay sa nabanggit na mga rehiyon.
Kasabay nito, ibinalita rin ni Jalad na umabot sa 79 na insidente ang naitala ng NDRRMC, kabilang ang landslide, baha, pagguho ng lupa, at paglaki ng alon sa Regions 1, 3, CALABARZON, MIMAROPA, VI, at Cordillera.
-Francis T. Wakefield