ANG ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang siyang pinakamaikli niyang SONA. Binasa niya ang prepared speech, walang ad libs, walang pagbibiro at walang pagmumura. Nakahinga nang maluwag ang kababaihan na malimit niyang pukulin ng mga biro.
Nabalam ng mahigit sa isang oras ang talumpati ni PRRD na dapat ay nagsimula 4:00 ng hapon dahil sa gulo sa loob ng House of Representatives (Kamara). Nagkaisa ang Super Majority na patalsikin si Speaker Pantaleon Alvarez at italaga si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Naayos lang ang squabble sa loob ng Mababang Kapulungan nang ipatawag ni Mano Digong sina Arroyo at Alvarez sa holding area ng Kamara upang pag-usapan kung sino ang uupo katabi ng Pangulo at ni Senate Pres. Vicente Sotto III sa paglalahad ng SONA.
Nakakuha ng 184 boto si Arroyo upang tanghaling bagong Speaker ng Kamara. Nakagugulat ang pangyayari (hindi kaganapan) sa pagpapatalsik kay Alvarez na itinuturing na malapit na kaibigan at kaalyado ng Presidente.
Nakagawa ng kasaysayan si GMA nang makuha ang puwesto ng speaker ng House of Representatives dahil siya ang unang babae na mamumuno (Speaker) sa Kamara. Nakagawa na siya ng kasaysayan noon nang nahalal na pangulo ng bansa na anak ng isang dating pangulo. Nakagawa uli siya ng kasaysayan nang siya ang tanging naging pangulo na tumakbo bilang kongresista at nanalo naman.
Maraming tiniis na hirap at pasakit si GMA sa ilalim ng Aquino administration. Kinasuhan siya ng plunder, ipinakulong at ilang taong nanatili sa hospital arrest samantalang ang kanyang mga co-accused ay pinagpiyansa at pinalaya.
Sa tulong ni ex-DoJ Sec. Leila de Lima (ngayon ay senador), ipinaharang ni PNoy si GMA sa airport na magbibiyahe sana sa ibang bansa para magpagamot. Ngayon ay baligtad ang pangyayari. Si De Lima ang nakakulong sa Camp Crame samantalang si Aling Maliit (GMA) ay malaya na ngayon at siya pang Speaker.
Tumpak si Erap (ex-Pres. Joseph Estrada) nang sabihin niyang sa pulitika, “Weder-Weder” lang o pana-panahon lamang. Maaaring ang isang tao ay nasa poder ngayon, maraming kaibigan, pero paglipas ng ilang taon, wala na sa puwesto, wala nang kaibigan.
May nagkokomento na hindi lang pala ang militar ang nagkukudeta (laban sa Pangulo) kundi maging ang mga kongresista laban sa kanilang Speaker. Napatunayan ito sa kaso ni Alvarez. Dapat mag-isip nang husto ang mga pinuno ng bansa sapagkat iba ang sinasabi sa kanila ng kanilang cordon sanitaire na sila ay magaling at gusto ng mga tao, gayong sawang-sawa na pala at galit ang mamamayan sa kanila.
-Bert de Guzman