Nagpasya ang Senado na maghinay-hinay sa paghihimay sa panukalang amyendahan ang 1987 Constitution at paglipat sa federal government sa kabila ng panawagan ng kanilang mga kasamahan sa Mababang Kapulungan at ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagpulong ang mga senador sa all-member caucus nitong Martes ng hapon kung saan nagkasundo sila na huwag madaliin ang panukalang Charter change (Cha-cha) at federalismo.

“Both the majority and minority are united in not rushing Cha-cha,” sinabi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto.

Sa kanyang panig, sinabi ni Recto na nararamdaman niya na “a great majority is against” sa planong paglipat dahil naniniwala ang mga ito na matatamo pa rin ng mga alternatibo ang harangarin ng federalismo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Federalism will add to the bureaucracy, red tape, more taxes, greater tension in government, will promote dynasty, bad for economy, credit down grade, etc. Better to amend Local Government Code, implement Supreme Court decision on IRA (internal revenue allotment) and focus on creating jobs and a lower inflation rate,” aniya.

Sinabi ni Recto na nagkasundo sila na ipagpatuloy ang mga deliberasyon sa Cha-cha at federalismo, kabilang na ang panukalang federal constitution ng Consultative Commission, sa pamamagitan ng mga pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.

Binanggit ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na bukod SA opposition senators, maging ang mga miyembro ng majority bloc ay “skeptical” sa panukalang Cha-cha, lalo na sa paraan ng botohan.

“Ayaw ma-trap ng Senado sa isang Constituent Assembly na walang clear guidelines on voting separately,” ani Zubiri.

Sinabi ni Minority Leader Franklin Drilon na nagkasundo sila na hintayin ang committee report bago pagdebatehan ang Cha-cha.

Para kay Sen. Francis Pangilinan, committee chairman, “the responsible and appropriate response is not to rush charter change.”

Nauna nang sinabi ni Senate President Vicente Sotto, na nais ng mga senador na linawin ang mga inaasintang pagbabago para sa transition sa federal government.

-Vanne Elaine P. Terrazola