Matapos ang gusot sa plenary hall ng Kamara nitong Lunes bunsod ng agawan sa posisyon ng speakership, balik-trabaho na ang House Committee on Ways and Means para pag-aralan at suriin ang Package 2 ng TRAIN Law (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) na gustong maipasa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pangunguna ni Committee chairman Rep. Dakila Carlo Cua, pinakinggan ng komite nitong Martes ang briefing ng Department of Finance (DoF) hinggil sa cost-benefit analysis ng Package 2 ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Tinalakay rin nito ang iba pang panukalang batas na nagsusulong sa mas mababang corporate income tax rate.
Nagpahayag ng suporta si Finance Undersecretary Karl Kendrick Chua sa panukala, sinabing pinakamataas Southeast Asia ang corporate income tax rates ng Pilipinas sa 30 porsiyento. Gayunman, 3.7% ng gross domestic product lamang ang nakokolekta ng gobyerno mula sa corporate income tax revenue.
“That is a revenue productivity of 12.3 percent. Compare that with Vietnam, Malaysia, or Thailand with much lower rates of 20% or 24%, but they collect 4%, 6%, or 7% of GDP, respectively, with much, much higher productivity,” banggit ni Chua.
-Bert De Guzman