IKINASA na ang halalan para sa tinaguriang Association of Barangay Chairmen (ABC) sa darating na linggo. Layunin ng nasabing tagisan ang makapili ng kinatawan sa lupon ng mga pinunong barangay sa bawat LGU (Local Government Unit) at makaupo, halimbawa, sa City Council bilang dagdag na konsehal. Walang pinagkaiba ang nasabing proseso sa katatapos na Barangay at SK Elections (BSKE) kung saan salapi ang pandulas sa katiyakan para magwagi.
Gasgas na ang pambobola na sa antas ng Barangay at SK, kailangan ng “non-political at non-partisan”. Ibig sabihin, walang partido, pulitiko o kilusan na nasa likod ng kandidaturang pambarangay. Subalit batid na ng mga anak ni Adan at Eba, Moro-moro at palamuting alituntunin ang batas sa nasabing eleksiyon. Halimbawa na lang, sa isang malaking barangay sa Cebu na may 45,000 botante, tantsahang apat na milyong piso ang iniluwal ng isang partido pulitikal para masiguro ang panalo ng kanilang “binabata”.
Dating gawi pa rin. Walang pagbabago sa bulok na sistema. Nakisabay na rin pati “senior citizens”. Sumakay na din sila sa agos ng katiwalian, imbes na magpanday ng tamang halimbawa sa mga nakababata. Palusot nila, kailangan ang salapi para sa “maintenance” ng gamot. Sa halip na umayos ang matatanda, sila pa itong nagiging pasaway. Tuloy, sa murang edad, natututo ang ating mga anak na magpanggap, gumamit o tumanggap ng kabayaran kapalit ng kanilang boto sa halalan.
Halos lahat ng kabulastugan at kalokohan ay kagigisnan na ng susunod na salinlahi. Ang halalan sa ABC, plakado din sa kuwarta. Tumindi pa ang subastahan ng boto. Sinasabi pa, sa isang sikat na lungsod sa Katimugan, upang makapasok sa konseho, ang palitan ay P500,000 kada Chairman para manalo. Ganito na talaga ang ating eleksyon. Mistulang palengkeng maituturing. Tulad ng isdang nakabilad. Mamahaling isda nga lang! Hanggat hindi nababago ang maruming pamamaraan, asahan na ang ating kinabukasan, pati demokrasya ay mananatiling nakasangla! Kailan pa kaya ang bukang-liwayway ng ating katubusan?
-Erik Espina