Kalahati ng committee chairmanship at iba pang matataas na puwesto ang maaapektuhan sa isasagawang balasahan ng bagong talagang si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Ito ay dahil na rin sa napipintong pag-take over ni Negros Occidental Rep. Albee Benitez sa liderato ng PDP-Laban contingent sa Mababang Kapulungan.

Papalitan ni Benitez si dating Speaker Pantaleon Alvarez, bilang party secretary general.

Pupunan din ng PDP-Laban, ang pinakamalaking political group sa Kamara, ang iba pang posisyon na inaasahang babakantehin kasunod na rin ng hidwaan sa pagitan ng grupo nina Arroyo at Alvarez.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pinangunahan ni Benitez ang PDP-Laban sa pagsuporta kay Arroyo sa pagtatalaga rito bilang bagong lider ng Kamara kapalit ni Alvarez.

Ibinunyag naman ni Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez na tatanggalan ng mga puwesto, kabilang na ng chairmanship, ang mga kongresistang hindi sumuporta kay Arroyo sa pagsusulong na gawin itong House Speaker, dahil miyembro ng minorya ang mga ito.

Inaasahan din ang pagbibitiw ni Suarez bilang lider ng minorya upang tuluyang sumama kay Arroyo. Si Buhay Party-list Rep. Lito Atienza ang pinangalanan nitong hahalili sa kanya sa minority bloc.

“At least 50 percent of the top positions in committees and other bodies will be affected by the leadership change,” ayon pa kay Suarez.

Pinag-aagawan naman ng mga sumusuporta kay Arroyo, ang majority leadership post na kasalukuyang hawak ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas.

-Ben R. Rosario