HINDI makilala si John Estrada sa costume niya bilang si Loki, ang God of Deception, sa telefantasyang Victor Magtanggol ng GMA-7. Main contravida ni Alden Richards si John, at sinabi niyang handa siyang magalit sa kanya ang fans ni Alden, dahil sa mga pagpapahirap na ibibigay niya rito sa serye.
Excited si John sa magiging feedback ng viewers sa Victor Magtanggol at sa karakter niya, dahil kahit kontrabida ay telefantasya ito, at mapapanood kahit ng mga bata.
Natutuwa rin si John sa “ingay” na dala ng project sa televiewers. Inaabangan na ang airing nito na magsisimula na sa Lunes, July 30, pagkatapos ng 24 Oras.
Kasabay nito, nilinaw ni John na lumipat siya sa GMA-7 dahil sa Victor Magtanggol, at hindi sa ano pa mang isyu.
“Nag-transfer ako because of this project, ito ang biggest project ng GMA-7 this year at masarap na maging part ka,” sabi ni John.
“Okay lang na kontrabida agad ako sa first project ko rito, pero panoorin n’yo, maganda ang pagkakontrabida ko. Saka exciting, dahil ngayon lang uli ako gumawa ng fantaserye,” aniya.
Kinumusta kay John ang pagtatrabaho niya kasama ang Kapuso stars. Wala bang ilangan sa set?
“Noong una akala ko maa-out of place ako dahil si Ms. Coney Reyes lang ang nakatrabaho ko na sa kabila. Lahat sila, ngayon ko lang makakatrabaho, pero walang ilang akong naramdaman, lahat sila mabait. Hindi ako nagkaproblema, kaya naging kumportable agad ako.
“Si Alden laging tsine-check kung okay ako. Very approachable siya at lagi akong ino-offer ng food. Masaya sa taping kahit mabigat ang costume ko,” sabi ni John.
Nabanggit din ni John na maayos ang paalam niya sa mga bossing ng ABS-CBN, gaya nina Cory Vidanes at Deo Endrinal, na lilipat muna siya sa GMA-7 at pinayagan naman siya.
“Siguro naman, welcome pa rin ako sa ABS-CBN dahil maayos ang paalam ko. Pagkatapos ng Victor Magtanggol, kung may magandang offer ang ABS-CBN, malay n’yo, sa kanila uli ako,” prangkang sabi ni John.
-NITZ MIRALLES