MAKABAWI sa kanyang naging kabiguan noong nakaraang Nobyembre ang nais na maisakatuparan ni dating lightweight champion Eduard “Landslide” Folayang sa kanyang muling pagsabak sa sagupaan ng ONE: Reign of Kings sa Biyernes (Hulyo 27) sa MOA Arena sa Pasay, City.
Makakaharap ni Folayang ang Russian na si Aziz Pahrudinov sa isang undercard match ng nasabing labanan, kung saan aniya ay hindi na niya hahayaan na may makaisa pang muli sa kanyang kakayahan.
“The last time that I was in Manila, I let everyone down with my performance. It has haunted me ever since,” ani Folayang.
Siniguro ni Folayang na isang magandang labanan ang matutunghayan ng mga manonood at ng kanyang mga taga subaybay gayung nais aniya na mapawagian ito upang makabawi.
Sa main event ay susubukan ng isa pa ring Pinoy Martial Artist na si bantamweight contender Kevin “The Silencer” Belingon na tubong Baguio City na makikipag sagupaan sa kasalukuyang kampeon ng ONE featherweight and Lightweight World Champion na si Martin “The Situ-Asian” Nguyen ng Sydney Australia.
Ayon kay Belingon, magiging isang malaking karangalan para sa kanya kung sakaling mapataob niya si Nguyen, gayung kilalang kampeon ang kanilang sasagupain.
“Kung matatalo ko si Martin (Nguyen) napakalaking karangalan ito para sa akin at sa career ko,” pahayag ng 30-anyos na MMA fighter na si Belingon. “Imagine, natalo ko yung 2-division champion. Ang sarap sa pakiramdam nun.”
Bukod dito, mapapanood din sa nasabing labanan ang huling laro ng mga MMA legends na sina Renzo Gracie ng Brazil at Yuki Kondo ng Japan.
Si Gracie na 51-anyos at si Kondo na 43-anyos ay nagdesisyon na ito na ang kanilang huling labanan para sa ONE championship, upang pagtuunan ang kani-kanilang mga propesyon.
-Annie Abad