ILANG pelikula na rin ang nagawa ni Michelle Vito, pero ngayon lang siya naging leading lady ng bidang Hashtag member na si Jon Lucas, sa pelikulang Dito Lang Ako.
Marami kasing restrictions sa sarili si Michelle, pero hindi niya pinagsisisihan kung medyo natatagalan ang pag-usad ng career niya kahit na anim na taon na ang nakalipas nang i-launch siya ng Star Magic. Kasabayan niya sina Julia Barretto at Liza Soberano.
“Ako, okey lang po ako, eh. Hindi naman po ako nababagalan. Baka iniisip nila na napag-iiwanan ako, pero kasi naniniwala ako sa tamang timing talaga. Time nila ngayon, time nina Julia ngayon, nina Liza, so naniniwala ako na darating din ‘yung time para sa akin. Kung ano ‘yung dapat para sa akin,” paliwanag ni Michelle.
Pero may mga pagbabawal pa rin si Michelle hanggang ngayon.
“Hindi ko po kaya ang two piece. Puwede siguro one-piece, pero naka-short pa. Siguro in time, pero sa ngayon, hindi ko pa po talaga kaya,” katwiran ng dalaga.
“May mga ino-offer pong mature role, pero hindi ko po kayang tanggapin since feeling ko hindi ko pa kayang gawin at 22 (years old). Gusto ko po sana maranasan muna ‘yung teenage role bago mature roles. Hindi ko pa kasi nae-enjoy,” pangangatwiran ng aktres.
Bata pa kasi nang mag-artista si Michelle, pero hindi rin naman siya naghahanap ng projects dahil mas gusto niyang nasa bahay lang siya.
“Hindi po kasi ako mahilig lumabas o gumala. Mas gusto ko po sa bahay lang.”
Ayaw ipabanggit ni Michelle kung anong serye ang in-offer na tinanggihan niya.
“May kissing scene, bed scene. Siguro po kaya ko pang mag-bikini, pero ‘yung may physical scene, hindi ko pa po kaya.”
Ang seryeng tinanggihan ni Michelle ay mataas ang ratings at laging pinag-uusapan ng lahat.
“Okay lang po kasi desisyon ko po ‘yun. Actually, nag-audition po ako sa seryeng iyon, pero ang in-audition ko is bit player hindi ‘yung bida. Sabi nila i-try ko ‘yung lead role. Tapos tinanong nila kung kaya ko ‘yung kissing scene, bed scene, hindi ko po kaya. Sabi ko lahat po hindi ko kaya. Marami po akong restrictions,” kuwento ng dalaga.
Isa rin siguro sa mga dahilan kaya sayaw tumanggap ni Michelle ng sexy role ay dahil nag-aaral pa siya sa College of St. Benilde, at nasa ikatlong taon na siya sa kolehiyo sa kursong Human Resource Management.
“Plano ko po talaga Psych kaso wala namang offer sa Benilde kaya Human Resource po at saka maraming psychology class. If nag-La Salle (University) po ako, mahihirapan ako kasi very strict sila sa absences,” saad ng aktres.
Sa ilang taon na ni Michelle sa showbiz ay hindi siya nakaramdam ng depresyon.
“Wala naman po, wala naman akong naramdaman na ganyan, siguro po kasi malaking bagay na pumapasok ako sa school kaya ‘yung isip ko hindi lang naka-focus sa showbiz kasi maraming nasa showbiz na iyon lang po talaga ang nasa isip nila.
“Like ako kasi, kahit may ginagawa akong movie, may Home Sweetie Home ako plus another 2 movies, pumapasok pa rin ako (sa school) kasi ayaw ko pong nasa showbiz lang ang isip ko.
“Kasi once na may masamang nangyari sa akin, ma-stress ako or made-depress ako. So gusto ko ang buhay ko, normal life pa rin, may buhay outside showbiz,” punto ng dalaga.
“Sobrang important po kasi sa akin ang education, kahit nu’ng bata ko may nag-aalok na sa aking mag-artista, umaayaw pa ako kasi nag-aaral pa ako noon. Kahit po ngayon na sumobra na ako sa absences, nagpapasabi na po ako sa handler ko na hindi na ako puwedeng tumanggap pa ng ibang show. Mahirap po kasing pinagsasabay ang pag-aaral at artista.”
Samantala, gagampanan Michelle ang karakter na Nelia na nagtatrabaho sa Blade car accessories, at kasama niya si Jon bilang si Delfin, hanggang mabuo ang magandang samahan nila.
Nasa Dito Lang Ako movie rin sina Ms Boots Anson Roa, Akihiro Blanco, Garie Concepcion, Senpai Kazu, at Roadfill ng Moymoy Palaboy. Mapapanood ang Dito Lang Ako sa Agosto 8, sa direksiyon ni Roderick Lindayag, produced ng Blade Entertainment.
May mall show ang buong cast sa Sta. Lucia Mall sa Agosto 4, 3:00 pm; at sa SM Taytay, 7:00 pm. Sa SM Megamall Cinema 7 naman ang red carpet premiere sa Agosto 6.
-REGGEE BONOAN