NAPANOOD at napakinggan ng bansa ang naiibang “State of the Nation” nitong Lunes.
Katulad sa mga nakalipas, at ng mga nagdaang pangulo, iniulat ni Pangulong Duterte ang katangi-tanging pagbabago at pag-unlad sa kanyang administrasyon sa nakalipas na taon, partikular dito ang pagpapatuloy ng kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang krimen at ang walang humpay na kampanya laban sa kurapsiyon.
Nanawagan siya sa Kongreso na ipagtibay ang ilang panukala, kabilang ang pagpapagaan sa proseso ng pagnenegosyo, paglikha ng Department of Disaster Management, pagpapatibay ng rice tarrification bill para sa mas malayang pag-angkat, pagbabawal ng kontraktuwalisasyon, universal health care, ang coco levy fund, ang ikalawang tax reform law at higit sa lahat ang burador ng bagong pederal na konstitusyon sa pamamagitan ng Kongreso sa isang Constituent Assembly.
Isa itong maikling 35-minutong talumpati, kung saan mahigpit na sinundan ng Pangulo ang kanyang handang talumpati, nang walang halong impormal na komento tulad ng nakasanayan sa kanya. Mahigit isang oras naantala ang sesyon bago naisagawa, nang wala ang nakasanayang magarbong gayak. Tila, walang sinuman ang nagbigay nang lubos na atensiyon sa magagarang kasuotan ng ilang babaeng senador at mga kongresista tulad sa nakalipas.
Ang kaibahan, siyempre, ay dahil sa naganap sa Kamara bago ang pagsisimula ng SONA. Ikinagulat—bagamat inasahan- ang hakbang ng Kongreso na maghalal ng bagong speaker sa katauhan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Sa unang boto, 162 ang bumoto kay Arroyo, tunay na mas malaki kung ikukumpara sa mayorya ng 147 mula sa kabuuang 294 na miyembro ng Kamara.
Nanggaling ang suporta sa malaking bilang ng mga partido sa Kamara—ang National Unity Party, ang Nacionalista Party, ang Nationalist People’s Coalition, ang Kilusang Bagong Lipunan at ang United Nationalist Alliance, kasama ang 40 miyembro ng PDP-Laban, ang partido ng administrasyon. Tinanggap din ng 12 miyembro ng partido Liberal ang hakbang bagamat pinili mag-abstain upang maging bahagi ng minorya.
Bago ang botohan, ilang mambabatas ang lumagda sa manifesto na nagpapaliwanag ng kanilang suporta kay Speaker Arroyo. Bumuo sila ng isang koalisyon, na anila’y, para sa interes ng “providing a more dynamic legislature attuned with the times and the needs of the people.” Anila, kinakailangan, anila, ng “a pro-active legislature, that would safeguard economic growth, secure the safety of the people, and provide a credible and competent house leadership to steer debate on pressing national issues.”
Ang bagong pamunuan ng Kamara ay tunay ngang nagpataas ng pag-asa ng sambayanan para sa mas aktibong Kongreso na nakikipagtulungan kay Pangulong Duterte sa pagharap niya sa ikatlong taon ng kanyang administrasyon. Binanggit niya ang mga programa para sa taong ito sa kanyang SONA, na inilarawan ng marami na tunay na pampangulo at kasama ng tiyak na pagdidiin sa mga programa para sa mga karaniwang mamamayan ng bansa.
Nabahiran ng maraming imbestigasyon at mga pagkuwestiyon ang Kongreso sa nakalipas, habang kinakaharap naman ng bagong administrasyon ang maraming suliranin sa pangunguna ng malawakang panganib ng droga sa bansa. Ang kampanyang ito ay magpapatuloy ngunit umaasa tayo sa isang bago at purong pagsisikap ng pamahalaan na pagtuunan ang pagpapaunlad ng buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga programang pang-ekonomiya at makatao na tinukoy ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation report nitong Lunes.