SASABAK sa China ang boksingero ni Manny Pacquiao na si dating WBC Youth super lightweight champion Sonny Katiandagho laban kay Chinese boxer Baishanbo Nasiyiwula para sa WBC Asian Boxing Council at bakanteng WBA Asia super lightweight titles sa Hulyo 27 sa Qingdao, China.
Magsisilbing undercard ang laban nina Katiandagho at Nasiyiwula sa paghamon ni fourth ranked Froilan Saludar kay WBO flyweight champion Sho Kimura ng Japan.
Magandang pagkakataon ito para kay Katiandagho na pumasok sa world rankings ng WBC at WBA kung magwawagi kay Nasiyiwula na natalo sa huling laban kay Fredrick Lawson ng Ghana via 10 round unanimous decision sa KFC Yum Center, Louiseville noong nakaraang Abril 27.
Galing naman sa panalo via TKO si Katiandagho laban sa kababayang si Junar Adame para mapaganda ang kanyang kartada sa 12 panalo, 2 talo na may 7 pagwawagi sa knockouts.
May rekord naman si Nasiyiwula na 13-2-1 na may 6 pagwawagi sa knockouts.
Gilbert Espeña