Pito sa bawat 10 Pilipino ang naniniwala na ang programa laban sa ilegal na droga sa bansa ang pinakamahalagang nakamit ng administrasyong Duterte sa nakalipas na dalawang taon, ayon sa resulta ng bagong survey ng Pulse Asia.

Sa isinagawang nationwide survey nitong Hunyo 15-21, lumalabas na mula sa 1,800 respondents, mayorya ng mga Pilipino o nasa 69 porsiyento ang nagsabing ang pagsisikap ng kasalukuyang administrasyon na wakasan ang banta ng ilegal na droga sa bansa bilang pinakamahalagang tagumpay ng pamahalaan simula noong 2016.

Ito ang opinyon ng karamihan, o 64% ng natitirang bahagi ng Luzon, at 77% ng Metro Manila.

Limangpung porsiyento naman ang naniniwalang ang kampanya laban sa kriminalidad ng administrasyong Duterte ang pinakamahalaga nitong achievement.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kabilang din sa mga ikinokonsiderang mahalagang napagtagumpayan ng administrasyon ang pagtaas ng sahod ng mga pulis at sundalo (30%), at ang kampanya kontra kurapsiyon (28%).

Samantala, 21% naman ng mga Pilipino ang nagsabing ang libreng edukasyon sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo ang pinakamahalagang nakamit ng administrasyon.

Kinilala rin ang pagpupursige ng administrasyon na makalikha ng mas maraming trabaho sa nakuhang 15%; pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa pamahalaan at mga opisyal nito, 11%; pagpapabuti ng pambansang ekonomiya, 11%; at pagpapalawig sa validity ng driver’s license sa 10%.

Pinakamababa naman sa mga nabanggit ang pagsisikap ng administrasyon sa paglutas sa kahirapan (8%), pagpapalawig sa passport (7%), no-deposit policy sa mga ospital (8%), pagpapababa ng income tax (5%), at ang probisyon para sa libreng Internet sa mga pampublikong lugar (3%).

-Ellalyn De Vera-Ruiz