Hindi maaaring iitsa-puwera ang mahalagang papel ng Senate of the Philippines. Ito ang binigyang-diin ni Senate President Vicente Sotto III sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng third regular session ng 17th Congress kahapon.
Sa halip na tradisyunal na paglitanya ng mga nagawa ng mga nakaraang sesyon, pinili ni Sotto na ipaglaban ang papel ng Mataas na Kapulungan sa pag-aamyenda sa Saligagang Batas. Nanindigan siya na hindi maaaring baguhin ang 1987 Constitution nang walang partisipasyon ng mga senador.
“We, in the Senate, comprise one of two essential component Houses of the legislative department, as set forth in Article 6, Section 1 of the 1987 Constitution which states: ‘The legislative power shall be vested in the Congress of the Philippines which shall consist of the Senate and a House of Representatives.’ The use of the word ‘shall,’ as any student of law learns early in his studies means that it is compulsory,” ani Sotto.
“The Senate is essential in any and all matters pertaining to legislation and whenever Congress is mandated to exercise some functions,” dugtong niya.
Aminado man siya na talagang matatalo ng 250 congressmen ang 24 miyembro ng Senado sa bilang, pinanindigan ni Sotto na ang procedures sa Kongreso ay hindi lamang numbers game. Kung ipipilit ang baluktot na argumento, hindi na kailangan ang anumang Senate counterpart bills, bicameral conference committees, joint resolutions o assemblies “if that lame argument is carried to its absurd conclusion,” ani Sotto.
Aniya, kahit sa pagpalit ng pangalan ng mga kalsada kailangan pa rin ang partisipasyon ng Senado kaya’t hindi niya maintindihan kung bakit ipinipilit ang Charter change nang wala ang mga senador.
“Sa maliliit na bagay, kailangan kami. Pero sa pag-iiba ng Konstitusyon ng Pilipinas, hindi kailangan ng Senado?” banat niya.
Iginiit ni Sotto na hindi katanggap-tanggap na ituring ang Senado na isang “unnecessary” body ng Kongreso sa pagtalakay sa panukalang Cha-cha.
“To say or even insinuate that we are unnecessary and irrelevant is unacceptable,” aniya.
Sinabi niya na nakahanda ang Senado na depensahan ang integridad ng institusyon, at hinimok ang mga kapwa senador na gawin ang makabubuti sa bansa.
-LEONEL M. ABASOLA at VANNE ELAINE P. TERRAZOLA