MATAPOS magmungkahi ng kanselasyon ng halalan sa 2019 para bigyan ng mas maraming panahon ang Kongreso sa pagpapasa sa bagong konstitusyon na alinsunod sa federal na sistema ng pamahalaan, may panibagong panukala si Speaker Pantaleon Alvarez—ang rebisyon ng Konstitusyon para baguhin ang termino ng mga opisyal ng publiko sa pamamagitan ng People’s Initiative, na ang pangunahing layunin ay kanselahin ang eleksiyon sa 2019.
Agad itong ibinasura ng mga senador, na hindi maunawaan ang ‘tila pagkahumaling sa kanselasyon ng halalan sa 2019, na umabot pa sa hakbang na paglulunsad ng isang “People’s Initiative” para maisakatuparan lang ito.
Gayunman, mahalagang malaman ng mga tao ang tungkol sa People’s Initiative bilang isang paraan ng pagrebisa sa Konstitusyon. Nakasaad ito sa Section 2, Article XVI ng Amendments of Revisions, sa ating kasalukuyang Konstitusyon:
“Amendments to this Constitution may likewise be directly proposed by the people through initiative upon a petition of a least twelve per centum of the total number of registered voters, of which every legislative district must be represented by at least three per centum of the registered voters therein... The Congress shall provide for the implementation of the exercise of this right.”
Sa una pa lamang, ang paraang ito ng pagrerebisa sa Konstitusyon ay isang mahaba at mahirap na proseso. Una, bawat lehislatibong distrito sa bansa ay kinakailangan na ng pagsang-ayon ng hindi bababa sa tatlong porsiyento ng mga botante. Nangangahulugan ito ng pangangalap ng lagda, na kinakailangan namang beripikahin ng Commission on Elections. Kasunod nito, kinakailangan na ang kabuuang bilang ng mga lagda ay nasa 12% ng kabuuang bilang ng mga rehistradong botante sa Pilipinas.
Ngunit bakit kailangan umabot sa ganitong sitwasyon para lamang mabawasan ang termino ng mga senador at kongresista sa opisina, para hindi na nila kailanganin na kumpletuhin ang kanilang mga termino sa Hunyo 30, 2019, upang makansela naman ang 2019 election, para magkaroon ang Kongreso ng sapat na panahon sa burador ng federal na Konstitusyon? Ang isang inisyatibo ng mga tao ay magpapatagal lamang sa proseso kung saan mas maraming oras ang magagamit sa pangangalap at pagbeberipika sa mga lagda. Malamang, na ayaw lamang ng ilan kongresista na harapin ang maghahalal sa kanila sa eleksiyon.
Sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na ang hakbang ni Speaker Alvarez para sa isang People’s Initiative ay nangangailangan ng pagsang-ayon ng Senado, kasabay ng pagbanggit ng senador sa isang probisyon sa Konstitusyon na “The Congress shall provide for the implementation of the exercise of this right.” Marami ring ibang senador ang nagpahayag ng ‘di pagsang-ayon dito, maging ang kapwa kapartido ni Alvarez sa PDP-Laban nasi Senador Aquilino “Koko” Pimentel III na sinabing isa lamang mabigat na proseso ang hakbang.
“Quite frankly,” pahayag ni Sen. Francis Escudero, “I don’t know why he seems so obsessed with postponing the election when neither the people nor the Palace supports such postponement.” Isa itong katanungan na itinatanong ng maraming tao, lalo’t madali lamang maipapasa ng Kongreso ang isang bagong Konstitusyon sa loob ng susunod na sampung buwan nang hindi kinakailangang kanselahin ang susunod na eleksiyon para sa mga kongresista at mga senador.