Pinoy thrower, umukit ng kasaysayan sa ASG; ‘Pinas may 4 na ginto

KUALA LUMPUR, Malaysia — Hindi na nga uuwing luhaan, isang bagong marka pa ang naiukit ng Team Philippines sa kampanya sa 2018 ASEAN Schools Games.

PROUD PINAY! Pinagsaluhan nina javelin thrower Katherine Quitoy at coach Adriana Arca (kaliwa) ang tagumpay ng Palaro standout sa naitalang bagong marka sa 2018 ASEAN Schools Games nitong Lunes sa Mini-Stadium sa Bukit Jalil, Kuala Lumpur, Malaysia, habang ipinagkaloob ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Raymond Maxey ang bronze medal kay Thanya Dela Cruz sa 50-meter breaststroke. (PSC PHOTO)

PROUD PINAY! Pinagsaluhan nina javelin thrower Katherine Quitoy at coach Adriana Arca (kaliwa) ang tagumpay ng Palaro standout sa naitalang bagong marka sa 2018 ASEAN Schools Games nitong Lunes sa Mini-Stadium sa Bukit Jalil, Kuala Lumpur, Malaysia, habang ipinagkaloob ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Raymond Maxey ang bronze medal kay Thanya Dela Cruz sa 50-meter breaststroke. (PSC PHOTO)

Naitala ng 17-anyos na si Ann Katherine Quitoy ang bagong marka sa girls javelin event sa naibatong 49.18 meters sa Mini-Stadium of the National Sports Complex sa Bukit Jalil para sa ikaapat na gintong medalya ng Team Philippines.

Pamilya, naglabas ng opisyal na pahayag sa pagpanaw ni Chino Trinidad

Nabura ni Quitoy ang dating record na 46.04-meter na naitala ni Devi Jayaindran Pavithraa ng Malaysia sa nakalipas na edisyon ng taunang torneo sa Singapore. Sa naturang edisyon, nakapagtala rin si Iloilo thrower James Lozanes ng marka sa boys javelin.

Ginapi ni Quitoy sina Klinla-Or Supisara ng Thailand (47.89m) at Firliana Yuni Fira ng Indonesia (43.35m).

Bago ang impresibong panalo ni Quitoy, nakamit ni Jessel Lumapas, 2018 Palarong Pambansa most outstanding athlete sa athletics, ang gintong medalya sa girls 400m run sa tyempong 57.46 segundo.

Naungusan niya sina Pratike Rawiwan ng Thailand (57.10) at Maulidah ng Indonesia (57.54).

Nitong Linggo, nasungkit ng Team Philippines, binubuo ng mga medalist sa nakalipas na Palarong Pambansa, ang gintong medalya sa girls high jump at long jump.

Naitala ni Trexie dela Torre, pambato ng Bacolod City, ang layong 5.84 metro para pagbidahan ang girls event sa kanyang personal-best laban kina Mahira Hanis Binti Ishak ng Malaysia (5.83) at Vietnam’s Hoang Thanh Giang (5.83).

Nalagpasan ng Negrense ang personal record na 5.44 metro na naitala niya nang pagwagihan ang 2018 Palarong Pambansa nitong Abril sa Vigan City, Ilocos Sur.

Tinanghal na Pinay first gold medalist si Evangelene Caminong nang pagwagihan ang girls high jump event sa 1.74 metro.

Bukod sa Palarong Pambansa, nadomina rin ni Dela Torre ang naturang event sa 2016 Batang Pinoy National Finals sa Tagum City, Davao del Norte.

“Bago po yung turn ko, nagdasal po ako na sana maganda yung kalalabasan. Ngayon po inienjoy ko yung panalo and ang experience ko dito (I prayed to God to bless me during my turn. Right now, I’m very much happy with my accomplishment and I’m enjoying my ASG experience),” pahayag ng Grade 11 student ng Romanito P. Maravilla National High School na sumabak sa torneo sa unang pagkakataon.

Ayon kay Adriana Arca, ang athletics girls coach, ramdam niya na makakamit ni Dela Torre ang gintong medalya bago pa ang laban.

“She was prepared and ready for this competition,” pahayag ni Arca.

Sa Universiti Teknologi Mara (UTM) Sports Complex sa Shah Alam, nakamit ng boys sepak takraw ang bronze medal sa doubles category, habang nakasama sa podium si Thanya Dela Cruz matapos pumangatlo sa 50-meter breaststroke sa swimming competition sa Darul Aquatik Centre sa Shah Alam, Malaysia.