ANG kalayaan sa pamamahayag o press freedom ay isa sa mga karapatan na nasa ating Konstiyusyon. Ang kalayaan sa pamamahayag ay itinuturing na fourth estate. Bukod dito, ang pamamahayag, sa print at broadcast ay tagapuna sa mga hindi kanais-nais na nangyayari sa pamayanan, bayan, pamahalaan at ibang sektor ng lipunan. Instrumento o kasangkapan sa pagbibigay at paghahatid ng mga mahalagang impormasyon. Naninindigan lagi sa katarungan, kalayaan at katotohanan.
Ang nakalulungkot lamang, ang paninindigang ito sa katotothanan, kalayaan at katarungan ay nagiging mitsa ng kamatayan at pagbubuwis ng buhay ng mga alagad ng media. May dinudukot. Pinapatay. Inaabuso o ipinapapatay ng mga balat-sibuyas at utak-pulbira na nasagasaan o nasaktan sa komentaryo o isinulat ng mga nasa print o broadcast media.
Tulad ng nangyari nitong Hulyo 20, isa na namang broadcaster ang walang awang pinaslang. Ang biktima ay si Joey Llana, 43, isang blocktime anchor sa mga kanyang programang “Metro Banat” at “Arangkada Daraga” sa himpilan ng DWZR sa Legazpi City. Si Joey Llana ay pinagbabaril sa loob ng kanyang sasakyan habang paalis ng kanilang bahay sa bayan ng Daraga. Patungo sana siya sa himpilan ng radyo para sa kanyang programa. Binabatiko niya sa kanyang programa ang mga national at lokal na opisyal na nakikitaan ng katiwalian. Gayundin ang katiwalian sa pulisya.
Tuwing may napapatay na alagad ng media, peryodista man o broadcaster, ang pagpatay ay may chilling effect o naghahatid ng pangamba at takot sa mga nasa larangan ng pamamahayag. Dahil sa nasabing pangyayari, ang iba’y nagiging maingat. May lalo namang tumatapang at patuloy na naninindigan sa katotohanan at kalayaan. Kung nakatatanggap ng pananakot at mga pagbabanta sa buhay, humihingi ng police protection. Katwiran: Mabuti na ang nag-iingat.
May iba’t ibang reaksiyon sa nangyaing pagpatay kay Joey Llana. Kinondena ito ng Malacañang, ng mga mambabatas at ng mga pangkat ng nasa larangan ng pamamahayag.
Sa pahayag ng tambolero ng Malacañang, sinabi niya na ang pagpatay sa radio-journalist ay isang panibagong paglapastangan sa mga karapatan na mabuhay at sa kalayaan sa pamamahayag.
Hiniling namn ni Senador Grace Poe, chair sa Senado ng Komite on public information and mass media, sa mga awtoridad na magkaroon ng katarungan sa napatay na radio journalist. Madakip ang mga may pananagutan sa pagpatay na isang nakalulungkot na pangyayari na hindi dapat maganap sa isang demokratikong lipunan. Ayon pa kay Senador Grace Poe, ang dumaraming bilang ng mga pagpatay sa mga journalist at ang mabagal na paglutas sa mga kaso ang nagpapalakas sa loob ng mga pumapatay sa mga alagad ng media. Hindi dapat na mangyari ang ganitong kultura ng pagpatay.
Ayon naman kay Senador Sonny Angara, ang pagpatay kay Joey Llana ay isang gawain ng karuwagan na walang lugar sa isang sibilisadong lipunan tulad ng Pilipinas. Hindi dapat mangibabaw ang takot at pagpatay.
Kinondena rin ito ng International Federation of Journalist. Ayon naman sa National Union of the Philippines, ang pagpatay sa radio journalist ay panlabindalawa na sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Mula noong 1986, kung kailan naibalik ang kalayaan sa pamamahaya, ay umaabot na sa may 162 journalist (print at broadcast) ang napatay. Mabibilang sa daliri ng kamay ang nadakip na mga suspek sa pagpatay. Kung minsan ay fall guy pa. Nahahatulan ng hukuman at namamahay sa kulungan ang mga suspek ngunit ang mga utak sa pagpatay ay patuloy na malaya habang naghihintay ng katarungan ang kaluluwa ng pinatay at ang kanyang pamilya.
Ang Pilipinas ay minsan nang tinaguriang “most murderous country for journalist” at nabanaagan na ring pangalawang mapanganib na bansa para sa mga alagad ng media.
Hindi dapat humantong sa pagpatay ang kapalaran ng mga nasa larangan ng pamamahayag. Kung sila man ay may isinulat o komentaryo na sa pananaw ng nasagasaan o tinamaaan ay wala sa lugar, may batas sa libelo na magagamit ang mga nasagasaan. Ihabla sa hukuman ang mamamahayag.
Mapanganib na propesyon ang pamamahayag. Kung ilan pa ang mapapatay o papatayin ay walang nakatitiyak. Ngunit ang pagpaslang sa mga peryodista at broadcaster ay hindi kailanman makababali sa gulugod ng pamamahayag. Patuloy at laging maninindigan ito sa kalayaan, katotohanan at katarungan.
-Clemen Bautista