HINIKAYAT ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ang mga magsasaka ng Negros Occidental na kumuha ng crop insurance, upang matulungan silang makaahon mula sa pagkalugi dulot ng mga kalamidad.

Naglabas ng panawagan si Provincial Agriculturist Japhet Masculino matapos masira ang mahigit P526,000 halaga ng palayan sa katimugang bahagi ng Negros, dahil sa pananalasa ng habagat nitong Biyernes.

Sa ulat ng OPA, apektado ang 54 na magsasaka o halos 84 na ektarya ng palayan sa apat na barangay sa San Erique matapos tamaan nang malakas na buhos ng ulan, na pinalakas ng bagyong Henry, nitong Hulyo 15-17.

Nasira ang mga palayan, na nagresulta ng average yield loss na 44 porsiyento o nasa 125 tonelada.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mahigit 43 ektarya dito ang nasa seedling stage na nakatakda sanang anihin sa Nobyembre, habang ang natitirang 41 ektarya ay nasa vegetative at production stage na aanihin sana sa Oktubre at Setyembre.

Pinaalalahanan ni Masculino ang mga magsasaka na agad iulat sa kanila ang mga nasirang pananim dulot ng kalamidad upang makakuha sa kanila ng buffer stock tulad ng binhi.

Aniya, patuloy ang pagtataya at balidasyon ng OPA para sa mga posibleng pagsira sa ibang mga bayan.

Nitong Enero, nakapagtala ang OPA ng nasa P22 milyong halaga ng nasirang pananim dulot nang malakas na pag-ulan at baha hatid ng amihan at ng bagyong Agaton.

Simula pa noong 2011, nakikipagtulungan ang Negros Occidenta sa Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) para sa implementasyon ng Negros First Universal Crop Insurance Program (NFUCIP).

Noong 2017, nasa 5,487 magsasaka sa probinsya ang na-insured sa PCIC o mahigit 7,000 ektarya sa pamamagitan ng NFUCIP.

May kabuuan namang 3,938 magsasaka ang nakatanggap ng indemnity claims na halos P 17.76 milyon.

Sa ilalim ng panuntunan, nananatili ang pagpapatala ng premium per cropping sa halagang P840, ngunit ang kabuuang halaga ay binabayaran ng probinsiyal na pamahalaan bilang loan.

PNA