MAGAAN na ginapi ng University Santo Tomas ang San Sebastian College, 25-21, 25-12, 25-17, nitong Linggo sa Premier Volleyball League (PVL) Collegiate Conference sa The Arena sa San Juan.

Pinangunahan ni Milena Alessandrini ang dominasyon ng UST sa naiskor na siyam na puntos, habang kumasa sina Kecelyn Galdones at Eya Laure ng walo at pitong puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nagawang manalo ng Tigresses, sa kabila ng pagkawala ni top hitter Sisi Rondina sa injury, sa loob ng isang oras at siyam na minutong laro.

Naisalba naman ng Far Eastern University ang matikas na pakikihamok ng College of St. Benilde para maitakas ang makapigil-hiningang 25-19, 32-30, 15-25, 24-26, 15-4, panalo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Umusad ang Lady Tamaraws sa 8-2 bentahe sa krusyal fifth set at nagawang maipuwersa ang Lady Blazers sa magtamo ng turnover para selyuhan ang panalo.

Nanguna ang bagitong si Lycha Ebon sa FEU sa naiskor na 11 puntos, habang kumana si Celine Domingo na may 14 puntos at tumipa sina Jerrili Malabanan at Jeanette Villareal ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

“Di ko nga alam. Medyo nag-relax noong third and fourth (sets). Sabi ko nga sa kanila ang volleyball hindi natatapos sa two sets lang. Don’t stop, keep fighting pa rin. Nag-collapse kami sa service receive. Then noong fifth set naka-recover na,” pahayag ni FEU coach George Pascua.