HUMARAP sa bayan si Pangulong Duterte para sa kanyang State of The Nation Address (SONA). Bukod sa pag-ulat niya sa kanyang mga nagawa sa loob ng tatlong taon ng kanyang panunungkulan, binanggit niya ang kanyang mga plano at prioridad para sa susunod na isang taon. Walang nawala sa mamamayan kung pinakinggan lang nila ang Pangulo, pero kung maniwala at umaasa silang muli sa kanyang ipinangako, titindi ang kanilang pagkadismaya.
Ipinangako ng Pangulo na ipaglalaban niya ang karapatan ng bansa na balido at kumpirmado ng International Arbitral Tribunal sa Hague. Matapang niyang sinabi na personal niyang itatanim ang bandila ng bansa sa West Philippine Sea. Ngayon, bukod sa inuudyukan ng sambayanan ang Pangulo na itigil na niya ang polisiyang kanyang pinaiiral sa isyung ito, pinababawi na sa kanya ang mga bahagi ng teritoryong sinakop na ng China. Kasi, sa kanyang sariling dahilan, hindi kayang makipagdigmaan ng bansa sa China kung igigiit nito ang napanalunan niyang karapatan sa teritoryo. Mistulang ibinigay na niya sa China ang sinakop nito. Pinatayuan pa nito ng mga estrakturang pandigmaan. Puwersa lang kasi ang alam ng Pangulo na lulutas dito na siyang kanyang paraan sa paglutas ng problema ng bansa, na siyang ginamit niya sa mahabang panahon ng kanyang pamamahala sa Davao.
Nangako siya noon na tatapusin niya ang problema sa ilegal na droga. Ibinintang niya dito ang pagdagsa ng krimen. Binigyan niya ang kanyang sarili ng tatlo hanggang anim na buwan para tapusin ang mga problemang ito. Sa layuning ito, inilunsad niya ang war on drugs. Sa short-cut na pamamaraan ng pagpapairal nito, bumaha ang bansa ng dugo at luha. Napakarami ang napatay, na halos ay mga dukha, na iniluha ng kanilang mga naulila. Sa kabila nito, nagkalat pa rin ang droga, ang krimen ay hindi pa rin masawata. Bihira na ang krimeng iniuugnay ng awtoridad sa droga dahil pambihira na ang pamamaraan ng pagpaslang at ang mga biktima ay hindi masasabing sangkot sa droga.
Itinigil na rin ng Pangulo ang kanyang pagpupunyaging wakasan ang kontraktuwalisasyon na ipinangako niyang wawakasan sa loob ng anim na buwan pagkaupo niya.
Sa ganitong konteksto natin tratuhin ang SONA ng Pangulo. Ganito rin ang naging damdamin ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo nang pakinggan ang SONA ng Pangulo. “Gusto kong pakinggan ang SONA ni Duterte dahil sa aking pagtatasa, wala siyang nagawang positibo para sa bansa, kasi ang mayroon tayo ay mataas na inflation, mataas na presyo, marami pang pagpatay, pagsuko ng soberenia sa China, takot at paglabag pa ng karapatang pantao”. Inihayag naman ng United Church of Christ in the Philippine Council of Bishop ang mga bigong pangako ng Pangulo hinggil sa paglutas ng kahirapan, kontraktuwalisasyon, pakikipag-ayos sa mga komunistang grupo at ang anim na buwang pangakong paglutas ng ilegal na droga sa bansa.
-Ric Valmonte