INAABANGAN ng buong bansa na mapakinggan ang “State of the Nation Address” (SONA) ni Pangulong Duterte bago ang nakatakdang joint session sa Kongreso ngayong araw.
Napakaraming naganap sa ikalawang taon ng kanyang administrasyon. Walang patumanggang pagpapatuloy ng kampanya laban sa ilegal na droga bagamat sa ngayon ay may kasiguraduhan laban sa posibleng pang-aabuso mula sa mga pulis. Ang palulunsad ng teroristang grupo ng Maute, na suportado ng international na ISIS militants, ng digmaan sa lungsod ng Marawi na winakasan ng pamahalaan noong Disyembre, 2017.
Noong Nobyebre, nagpulong ang mga pinuno ng sampung miyembro ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) sa Maynila kasunod ng pakikipagpulong sa mga pinuno ng mga katuwang na bansa, kasama si United State President Donald Trump na nanguna sa mga dayuhang lider.
Bumisita rin mismo si Pangulong Duterte sa Brunei at Japan, noong Oktubre 2017; Vietnam, Nobyembre; India, Enero 2018; sa China at Singapore, nitong Abril; South Korea, nitong Hunyo; at sa Malaysia ngayong Hulyo.
Mas marami sa Pilipinas, lalo na sa industriya ng turismo at serbisyo, isa sa malalaking istorya ang pagsasara ng Boracay sa mga turista nitong Mayo, dahil sa pagiging “cesspool” nito bilang paglalarawan ng Pangulo. Inaasahang muli itong magbubukas sa darating na Oktubre.
Sa kanyang SONA ngayong araw, maaaring ibahagi ng Pangulo ang tungkol sa mga pangyayaring ito at ang iba pang mahahalagang pangyayaring naganap sa ikalawang taon ng kanyang administrasyon, ngunit ang malalaking kaganapan kamakailan ang mamumutawi sa pag-iisip ng mga tao at inaasahan nilang tatalakayin ito ng Pangulo sa kanyang SONA ngayong araw.
Maaaring ang pinakamalaking iniisip ng mga tao ang nangyayaring inflation sa kasalukuyan – ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ang posibilidad ng ugnayan nito sa bagong buwis na ipinataw sa pamamagitan ng TRAIN law, ang pagkasira ng usapan kasama ng Communist Party of the Philippines, ang New People’s Army at ang National Democratic Front, ang pangamba hinggil sa mga pinag-aagawang isla sa South China Sea, at ang debate sa pederalismo at ang rebisyon ng ating Konstitusyon.
Ang pinakasentro sa mga programa ng administrasyon sa pamahalaan ngayon ay ang “Build, Build, Build” na inaasahang magtatayo ng bilyong pisong halaga ng mga kalsada at tulay, paliparan at mga pantalan, paaralan at iba pang gusali ng gobyerno, na magpapaangat sa pangkalahatang ekonomiyang pag-unlad at lilikha ng maraming trabaho para sa maraming Pilipino.
Walang dudang babanggitin din ng Pangulo ang malalaking estatistika, kabilang ang Gross National Product (GNP) ng bansa na isa sa pinakamataas sa Asya ngayon. Subalit maasahan natin sa Pangulo na hindi pagtutuunan ang maraming estatistika kundi sa mga isyu may kaugnayan sa mga ordinaryong mamamayan, upang mas mapalapit sila sa isa’t isa bilang isang bansa, sa pagkamit ng kapayapaan sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at ang pangkalahatang pagpapaunlad ng buhay ng mahihirap sa siyudad, mga magsasaka sa mga lalawigan, sa kababaihan at kabataan.
Umaasa kami sa mga plano at programang ito—higit sa mga ulat ng napagtagumpayan sa nakaraang taon—sa State of the Nation Address ni Pangulong Duterte ngayong araw.