Pinay high jumper, sumungkit ng ginto sa ASEAN Schools Games

KUALA LUMPUR, Malaysia – Naibigay ni Evangelene Caminong ang unang gintong medalya sa Team Philippines nang pagwagihan ang girls high jump event sa 2018 ASEAN Schools Games nitong Sabado sa Mini Stadiun sa Bukit Jalil.

FIRST GOLD! Ibinida ng Pinay high jumper na si Evangelene Caminong ng San Vicente, Palawan ang naitalang personal record na nakarehistro sa LED scoring board matapos pagwagihan ang girls high jump event ng 2018 ASEAN Schools Games sa Kuala Lumpur, Malaysia. (PSC PHOTO)

FIRST GOLD! Ibinida ng Pinay high jumper na si Evangelene Caminong ng San Vicente, Palawan ang naitalang personal record na nakarehistro sa LED scoring board matapos pagwagihan ang girls high jump event ng 2018 ASEAN Schools Games sa Kuala Lumpur, Malaysia. (PSC PHOTO)

Naitala ng 17-anyos mula sa San Vicente, Palawan ang taas na 1.74 meters para gapiin ang mga karibal na sina Prangthip Chitkhokkruad ng Thailand (1.72m) at kasanggang si Alexie Mae Caimoso (1.69m).

Pamilya, naglabas ng opisyal na pahayag sa pagpanaw ni Chino Trinidad

Nalagpasan din ni Caminong ang personal best na 1.71 meters.

“Hindi po ako makapaniwala. Sobrang saya ko po (I’m still in awe. I’m really happy),” pahayag ni Caminong.

Impresibo ang pagtaas ng performance ni Caminong na natalo ni Caimoso sa secondary event sa 2018 Palarong Pambansa nitong Abril sa Vigan City, Ilocos Sur.

Bilang debutante sa international competition, iginiit ni Caminong na sapat na sa kanya ang mapabilang sa Philippine delegation at ang pagwawagi ay maituturing bonus para sa mga taong nagtititiwala sa kanyang kakayahan.

“At first, I wasn’t pressured to win. But I don’t know as the competition came I felt it was my obligation to do my best,” aniya.

Ayon sa Grade 12 student ng Nazareth School of National University, sumailalim siya sa matinding pagsasanay matapos ang Palaro, sa pangangasiwa ni coach Fernando Dagasdas sa PhilSports sa Pasig City.

“I hope this win serves an inspiration to my fellow Pinoy athletes to strive their best in their games,” sambit ni Caminong.

Ipinahatid din niya ang pasasalamat sa suportang ibinigay nina Cong. Jenny Barzaga at Dasmarinas City Mayor Elpidio Barzaga.

Target niyang madugtungan ang kasiyahan ng delegasyon sa kanyang pagsabak sa 100m hurdles sa Martes.

Kabilang sa mga opisyal na nag-cheer sa delegasyon sina Education Undersecretary Tonisito Umali at Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Raymond Maxey.

Nakopo naman ni Riza Mae Valiente ang silver medal sa 400m girls event sa tyempong 61.51 segund, sa likod ni gold medalist Bui Thi Trang ng Vietnam. Pangatlo si Arisa Weruwanarak ng Thailand (63.13).

Nakasungkit naman ng podium finish si Mindanaoan runner Camila Tubiano matapos pumangatlo sa 3,000-meter run sa tyempong 10 minuto at 49.30 segundo. Nagwagi si Luu Thi Thu ng Vietnam (10:18.09) kasunod si Lwee Zar ng Myanmar (10:47.25).