TUNAY na nahaharap ngayon sa napakahirap na sitwasyon si United State President Donald Trump. Siya ay inakusahan ng pangmamaliit sa intelligence service ng kanyang sariling gobyerno, kaugnay ng umano’y pakikialam ng Russia sa pambansang halalan noong 2016 sa pamamagitan ng pangha-hack sa mga email account ng Demokratikong Partido ni Hillary Clinton. Ngunit kung tanggapin niya ang pakikialam ng mga Ruso sa nagdaang eleksiyon, malalagay sa alanganin ang pagkalehitimo ng paghalal sa kanya.
Nitong Lunes, nakipagpulong si Pangulong Trump kay Russian President Vladimir Putin sa Helsinki, Finland, tatlong araw matapos maisampa ang demandang pederal na nag-aakusa sa 12 Ruso ng pangha-hack sa Democratic Party emails upang tulungan si Trump. Matapos nito’y agad na nagsagawa ng pulong balitaan ang dalawang pinuno, kung saan natanong si Trump hinggil sa natuklasan ng US intelligence service. “I have great confidence in my intelligence people,” aniya, “but I will tell you that President Putin was extremely strong and powerful in his denial today. He just said it’s not Russia. I will say this: I don’t see any reason why it would be.”
Ang pahayag na ito ni Trump ang lumikha ng matalim na sagot mula mismo sa director ng national intelligence na si Dan Coats. “We have been clear in our assessments of Russian meddling in the 2016 election,” giit niya. Mananatili ang Russia na nasa likod ng “ongoing pervasive efforts to undermine our democracy,” dagdag niya.
Naging kritikal ang mga kapartido ni Trump sa Republikan Party sa naging pulong niya kay Putin at sa kanyang pahayag sa pulong balitaan. Para kay Sen. John McCain ng Arizona, ang naging tugon ni Trump ay “conscious choice to defend a tyrant.” Idineklara ni Speaker Paul Ryan na “no question” na nakialam ang Russia sa halalan ng Amerika. Sinabi naman ni Sen. Lindsay Graham na ang sagot ni Trump sa pakikialam “will be seen by Russia as sign of weakness.” Habang para kay dating Speaker Newt Gingrich, masugid na tagasuporta ni Trump, ang komento nito ay, “the most serious mistake of his presidency... and must be corrected- immediately.”
Mas mabagsik naman ang mga salitang binitiwan ng mga Democrats. Sinabi ni California Rep. Jimmy Gomez: “To side with Putin over US intelligence services is disgusting; to fail to depend the US is on the verge of treason.” Inihayag naman ni Rep. Adam Schiff, senior democrats ng House Intelligence Committee, na binigyan lamang ni Trump si Putin ng “green light to interfere in 2018.” Una nang inanunsiyo ni Trump ang kanyang pagtakbo sa reelection ng 2018.
Sa ilalim ng mapapait na kritisismo, isang araw makalipas nito ay sinabi ni Trump na nagkamali lamang siya ng sinabi. Ngunit hindi nito binago ang ibang pahayag na nagbibigay ng tiwala sa pagtanggi ni Putin sa pakikialam ng Russia sa halalan ng Amerika noong 2016.
Ang nakatakdang halalan sa 2019 ang susukat kung ang hindi inasahang tugon ni Trump sa maraming isyu—laban sa imigrasyon, away kalakalan laban sa China, ang taripa na inaarayan ng sariling mga kaalyado ng Amerika, ang kanyang kritisismo sa European nations, at ngayon ang pagpanig niya kay Putin laban sa sarili nitong mga opisyal ng intelligence agency—ay magkakaroon ng epekto sa halalan.
Ang kanyang naging posisyon kay Putin at sa Russia ay hindi na kataka-takang magiging isyu sa kampanya. Sinubukan niyang magpaliwanag sa pamamagitan ng tweet habang papauwi mula Helsinki lulan ng Air Force One nitong nakaraang Martes: “I have great confidence in my intelligence people,” aniya. “However, I also recognize that in order to build a brighter future, we cannot exclusively focus on the past. As the world’s two largest nuclear powers, we must get along.”
Ito ang pahayag ng isang opisyal na pinuno, kaiba sa mga pulitikong itinatanggi ang pakikialam ng Russia sa eleksiyon lalo’t madudulot ito ng pagdududa sa pagkalehitimo ng kanyang sariling halalan. Malapit na nating malaman kung paano siya tunay na kinikilala ng mga Amerikanong mamamayan at kung tatanggapin ba nila ang kanyang hindi inasahang posisyon at desisyon.