Sa kabila ng desisyon ng Board of Commissioners ng Bureau of Immigration (BI) na tuluyan nang palayasin sa bansa si Sister Patricia Fox, iginiit pa rin ng madre ang apela niyang manatili sa bansa.

Sister Patricia Fox (Mark BAlmores)

Sister Patricia Fox (Mark BAlmores)

Sa inilabas na pahayag ng BI, sinabi ni Dana Krizia Sandoval, tagapagsalita ng kawanihan, na dinesisyunan na ng board ang pagpapaalis sa bansa sa madreng Australian matapos matuklasang lumabag umano ito sa kondisyon ng Missionary Visa.

“The BOC found that her actions are inimical to the interest of the state. The Bureau has ordered her [Fox’s] deportation to Australia, and the inclusion of her name in the BI’s blacklist, barring her re-entry into the country,” ani Sandoval.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Fox, 71, na nakasanayan na itinuring na niyang tahanan ang Pilipinas sa nakalipas na tatlong dekada.

Nabatid na nakuha ni Fox ang missionary visa noong Hulyo 21, 2016, na may bisa hanggang Setyembre 5, 2018, at limitado lamang sa missionary work sa Barangay Amihan, Quezon City.

“Sister Fox clearly violated the limitation and conditions of her visa, which specifically allowed her to engage in missionary and religious work, not political activities in the Philippines,” sabi ni Sandoval. “She was found by the board to have actively participated in political activities, which she also admitted in her pleadings.

Aniya, nakatanggap ang BI ng mga ulat na nagsabing lumahok si Fox sa iba’t ibang kilos-protesta at may hawak pa umanong banner at may suot na kamiseta ng iba’t ibang organisasyong makakaliwa.

Kaugnay nito, sinabi ni Bishop Arturo Bastes, chairman ng Episcopal Commission on Mission (ECM) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na ang panibagong deportation order laban kay Fox ay isang kumpirmasyon na ginigipit ng gobyerno ang mga bumabatikos dito.

“This confirms our suspicion that this government is systematically harassing people who criticise their policies,” sinabi ni Bastes sa isang panayam.

Nagpahayag naman si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ng kalungkutan sa nangyari, na ayon sa kanya ay senyales ng “creeping authoritarianism”.

“Very sad indeed. I am very sad,” ani Pabillo. “This is another instance of creeping authoritarianism.”

-Mina Navarro at Leslie Ann Aquino