IPINASA ng Quezon City Council nitong Huwebes ang isang resolution na humihikayat sa mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang Republic Act (RA) No. 10524, isang batas na nagpapalawak sa maaaring makuhang posisyon ng mga persons with disabilities (PWDs).
Sa ngayon, mayroong 100 PWD ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Quezon mula sa 14,000 nitong empleyado.
Ang City Resolution 7380-2018, na inakda ni Councilor Lena Marie Juico, ay bilang tugon sa RA 10524, na nag-uutos sa pagkakaroon ng hindi bababa sa isang porsiyento mula sa lahat ng regular at ‘di regular na posisyon sa lahat ng ahensiya ng gobyerno, opisina o korporasyon para sa PWDs.
Ang batas na ito rin ang humihikayat sa mga pribadong kumpanya na magreserba nang hanggang 1% mula sa lahat ng posisyon para sa PWDs.
“Masayang-masaya ako na makapagtrabaho dito sa City Hall. Bilang isang PWD, hindi natin maitatago na napakahirap maghanap ng trabaho,” pahayag ni Jeffrey Alipio, staff member ng Quezon City Persons with Disability Affairs Office (PDAO).
“Iniisip din ng ibang kompanya na baka maging hindrance ‘yun para maging productive, pero sa pamamagitan ng Quezon City Hall,napapakita ko na kahit isa akong PWD, pwede rin akong magtrabaho at pwede rin akong mamuhay gaya ng ibang tao,” dagdag pa ni Alipio.
Ang Pilipinas bilang bahagi ng the United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities ay may tungkulin na isulong, protektahan at siguraduhin ang buong pagtamasa sa karapatan pantao ng mga PWDs at ang pantay na karapatan sa ilalim ng batas.
“Republic Act No. 7277 has been adopted to ensure rehabilitation, self-development and self-reliance of Persons with Disabilities. Toward this end, the State endeavors to develop their skills and potentials to enable them to compete favorably for available opportunities,” nakasaad sa nabanggit na panukala.
PNA