Aabot sa P2.3 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa naarestong umano’y lider ng isang gun-for-hire at drug trafficking group, at kasamahan nito, sa isang buy-bust operation sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ng National Capital Region Police Office (NCRPO)- Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), ang suspek na si Rolando Arnaiz, 42, na sinasabing pinuno ng Roban Valenzuela-Lang Lang Arnaiz gang; at si David Montalbo, alyas “Dave”, 48, parehong taga-Quezon City.

Dinakma ang dalawang suspek nang bentahan umano nila ng 50 gramo ng shabu, na aabot sa P100,000, ang pulis na poseur buyer sa Tullahan Road, sa panulukan ng Ignacia Road sa Barangay Sta. Quiteria, Caloocan City, dakong 12:15 ng madaling araw.

Bukod sa droga, nasamsam din umano sa mga suspek ang isang itim na kotseng Mazda (ZHT-933) na ginamit sa pagde-deliver ng shabu.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Kabuuang 350 gramo ng shabu, na may street value na P2.3 milyon, ang nasamsam sa operasyon.

Dalawa ring .45 caliber pistol, limang magazine, at 23 na bala nito ang sinasabing nakumpiska sa dalawang suspek.

Sa record ng pulisya, ang nasabing grupo umano ang responsable sa ilang drug trafficking at gun-for-hire activities sa Caloocan, Quezon City, gayundin sa Bulacan.

Top most wanted person din ng Novaliches Police si Arnaiz.

-Martin A. Sadongdong