“INCOMPETENT.” Ito ang pagtatasa ni Pangulong Duterte sa kakayahan ni Vice President Leni Robredo sa pamumuno sa bansa. Nasabi ito ng Pangulo dahil kapag naging pederalismo ang sistema ng ating pamahalaan ay bababa na si VP Leni sa puwesto. Eh, ang papalit sa kanya ay si VP Leni, ayon sa Saligang Batas. Dahil nga sa kanyang pagtaya sa kakayahan nito, kailangan magkaroon ng halalan. Nais umano niya na ang hahalili sa kanya ay ang ihahalal ng bayan. Pero, paanong papalitan siya ni VP Leni kung sakali mang magbibitiw siya at walang maganap na halalan, eh sabay silang bababa sa puwesto?
Ang pagbabago sa transitory provisions ng sinasabing “Bayanihan Constitution”, na nalikha ng consultative assembly, ay nagsasaad na ang termino nina Pangulong Duterte at VP Leni ay hindi lalawig sa Hunyo 30, 2022 at hindi na sila maaaring tumakbo para sa reeleksiyon. Pero ito ang problema. Sa pakiusap ng Pangulo, binago ang transitory provision at pinaiksi ang kanyang termino at bukod dito, nagtakda ng halalan para sa transitory leaders na mamamahala sa pagpapalit sa pederalismo sa susunod na apat na taon o hanggang 2022. Sa bagong balangkas, ang transitional president at vice president ay magkasamang iboboto at manunungkulan sa matitirang bahagi ng termino nina Duterte at Robredo. Hindi ipinagbabawal na tumakbo ang mga ito.
Ang transitional president ang mamumuno sa iminungkahing Federal Transition Commission, na bubuo ng plano at patakaran ng paglikha ng pamahalaan ng federal at federated region. Hihirang ang transitional president ng 10 regular members at ang transitional vice president, senate president, house speaker at mga dating pangulo ay mga ex-officio member. Sa panahon ng pagpapalit ng gobyerno, lahat ng opisyal ng gobyerno sa ilalim ng 1987 Constitution ay mananatili sa puwesto maliban kung sila ay matanggal dahil sa reorganization. Ang permanenteng empleyado ng gobyerno, kapag naalis, ay tatanggap ng seperation pay, retirement pay o ililipat sa ibang puwesto. Sa bagong Saligang Batas, hindi ginagarantiya ng mga ganitong benepisyo ang mga pansamantalang empleyado dahil depende ito kung ipagkakaloob sa transitory plan.
Akala natin matino itong consultative assembly. Bumigay din pala. Sana ipinagdiinan nila ang alam na makabubuti sa bayan at bahala na si Pangulong Digong na ilagay ang gusto niya. Sa gayon, lalabas na sarili ng Pangulo ang pagbabago. Batay sa nangyayari ngayon, lumalabas na may apat na taon o hanggang 2022 maisasaayos ng Federal Transition Commission (FTC) ang pederalismo bilang uri ng gobyerno. Eh, ang FTC ay pamumunuan ng transitory president na ihahalal ng sambayanan. Sa 2019, ang midterm elections na nasa loob ng itinakdang pagsasaayos sa pederalismo. Maghanda ang taumbayan sa pagnanais ng administrasyong na pigilan ang nalalapit na halalan at tuluyang alisin ito. Hindi dapat paniwalaan na walang kinalaman dito ang Pangulo. Siya ang utak nito at nagtatago sa pagbabago ng Saligang Batas para sa pederalismo.
-Ric Valmonte