SA pinakahuling ginawang survey kamakailan ng Pulse Asia, lumabas at nalantad na umaabot sa 67 porsiyento ng mga Pilipino ang ayaw o tutol sa Federalismo (ang ipapalit na sistema ng pamahalaaan) at sa isinusulong na Charter change o ang pagbabago ng umiiral na 1987 Constitution.
Natatandaan pa ng inyong lingkod na ilang araw makalipas ang pagpasok ng 2018, pinalutang na noon pa ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang Charter change (Cha-cha) o pagbabago ng ating Saligang Batas. Sa pagbabago, kasama sa babaguhin ang sistema ng pamahalaan sa Pilipinas. Gagawing sistemang federal. Ang pagbabago ay sa pamamagitan ng Constituent Assembly (Con-ass) o ng magkasamang pagpupulong ng mga sirkero at payaso sa Kongreso at Senado.
Sa ngayon, tutol naman ang Senado sa Con-ass. May pangamba tuloy si Senador Migs Zubiri na ang Con-ass ay magiging dahilan ng pag-walkout ng mga Senador sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na ika-23 ng Hulyo—ang ikatlong Sona ng Pangulo.
Kung matatapos ang mga gagawing pagbabago sa Konstitusyon, ang time table noon ni Speaker Alvarez ay gawin ang plebesito o referendum sa Mayo kasabay ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections. Hindi naman ito nangyari. Sa pahayag pa ni Speaker Alvarez sa telebisyon, sinabi niya na hindi na kailangang maghalal ng mga bagong Senador sa 2019. Ang kanyang katwiran: Ang paghahalal ng mga Senador ay magiging sagabal pa sa isinusulong na federal na sistema ng pamahalaan. Isang malinaw na scenario na wala nang eleksiyon. Ang mga Senador na inihalal noong 2011 ay mananatili sa kanilang panunungkulan hanggang 2022 kasabay ng pagtatapos ng termino ng mga Senador na inihalal noong 2016.
At nitong nakalipas na linggo, pinalutang ni Speaker Alvarez na nais niyang walang eleksiyon (No-el) sa 2019. Dahil dito, inulan siya ng batikos. May mga kababayan tayo na nagsabing hilo na si Alvarez o nais lamang niyang manatili sa poder tulad ng iba pang mga sirkero at payaso sa Kongreso na matatapos na ang panunungkulan sa Hunyo 2019. May mga nagtatanong din tayong mga kababayan na natatakot kaya sina SpeakerAlvarez na kung magkaroon ng halalan sa 2019 ay marami sa kanila ang tatalon sa kangkungan ng pulitika o matatalo?
May iba’t ibang reaksiyon sa resulta ng Pulse Asia survey. Ayon kay Senador Pampilo Lacson, hindi na kailangang baguhin ang Saligang Batas kung ang balak lamang ng mga nagsusulong ng federalismo ay desentralisasyon, dahil mayroon namang batas na ibinibigay sa local government units (LGUs) ang pagpapalakad sa ilang ahensiya, at nakapaloob ito sa Local Government Code. Ang maayos na pagpapatupad nito ang tugon sa isinusulong na sistemang federal sa pamahalaan.
Ayon pa kay Senador Lacson, kung ang layunin ay tunay na desentralisasyon at devolution, bakit kailangan pang susugan ang Saligang Batas ng Pilipinas at mahati ang bansa. Ang kailangan lamang ay ipatupad ang Local Government Code at makamit ang layunin nito.
Sa pananaw naman ni Vice President Leni Robredo, hindi dapat inaapura ng Kongreso ang paglipat sa sistemang federal ng gobyerno sa pamamagitan ng Charter chnage. Maaaring mahati ang bansa dahil sa mga banta sa mga lokal na pamahalaan upang bilisan ang proseso.
Aminado naman ang tambolero ng Malacañang na si Harry Roque na marami pa ang kailangang gawin upang maisulong ang kaalaman ng publiko tungkol sa panukalang pagpapalit sa sistemang federal. Kakaunti pa raw ang alam ng mamamayan tungkol sa federalismo..
Maging ang mga taga-academe ay tutol din sa Cha-cha sa pamamagitan ng Con-ass, maging sa panukala ni Speaker Alvarez na walang eleksiyon sa 2019. Kabilang sa mga ayaw sa Cha-cha ay ang mga pangulo ng unibersidad, mga propesor at scholar mula sa iba’t ibang paaralan. May 270 academician ang lumagda sa pahayag ng kanilang pagtutol sa pagbabago ng ating Konstitusyon. Hindi napapanahon.
Ayon naman sa pahayag ni UP College of Law professorial lecturer, ang Charter change sa pamamagitan ng Con-ass ay paglilingkod sa sarili kasama na ang walang halalan. Mapapanatili nito sa poder ang mga nanunungkulan at mawawalan ng kakayahan ang mamamayan na magpasiya sa magiging kinabukasan ng bansa.
-Clemen Bautista