ILOILO CITY - Nahaharap sa kasong administratibo si Iloilo City Mayor Jose Espinosa III dahil sa kuwestiyonableng pagtatalaga sa limang opisyal ng Metro Iloilo Water District (MIWD).

Ang reklamo ay pormal na iniharap ni Atty. Roy Villa, corporate legal counsel ng MIWD, sa Office of the Ombudsman- Visayas.

Ito ay may kaugnayan sa desisyon ni Espinosa na i-appoint ang limang director ng MIWD nitong nakaraang buwan, sa kabila ng pananatili ng mga board of director nito na itinalaga ni Iloilo Governor Arthur Defensor, Sr. na alinsunod na rin sa kautusan ng Regional Trial Court (RTC-Branch 24) noong 2013.

Nauna nang kinuwestiyon ng alkalde ang ruling ng RTC at ginamit nitong dahilan ang isang Supreme Court ruling noong 2017, na nagdedeklarang labag sa Saligang Batas ang Section 3 ng Presidential Decree No. 198 na nagbibigay-pahintulot sa provincial governor na magdesisyon kapag bumagsak sa 75 porsiyento ang subscriber ng water district.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Bukod sa paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), inirereklamo rin si Espinosa ng Usurpation of Official Functions.

Nasilip ni Villa ang nasabing desisyon ng alkalde dahil hindi umano ito sumunod sa tamang proseso, katulad ng nakasaad sa Presidential Decree No. 198.

Kabilang sa itinalaga ni Espinosa sina Felicitu Tiu (business sector); Dr. Ronald Lacson Sebastian (education sector); Dr. Rebecca Maravilla (women’s sector); Dr. Ray Celis (civic sector); at Antonio Sangrador (professional sector).

Habang sina MIWD board of directors Dr. Ted Robles; Atty. Juanito Acanto; Dr. Jessica Salas; Josephine Abad-Caram; at Ramon Cua- Locsin ay ipinuwesto ni Defensor.

-Tara Yap