Naglaan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng kabuuang P1.076 bilyon para sa pagkukumpuni at rehabilitasyon sa mga lumang tulay sa Metro Manila.
Sinabi ni DPWH National Capital Region Director Melvin Navarro, 36 na tulay sa 10 siyudad sa Metro Manila ang gagawing matibay alinsunod sa standard design ng kagawaran, partikular na laban sa malakas na lindol.
Kabilang sa mga kukumpunihing tulay ang Alabang-Bayanan, Cupang, Insular Bilibid Prison, at Lower Buli Bridges sa Muntinlupa City; C.P. Garcia at Pasig Boulevard Bridges sa Pasig City; Quezon Bridge sa Taguig City; Pasong Tamo Bridge sa Makati City; Canumay, Polo, Malinta Interchange at Torres Bridges sa Valenzuela City; at ang Algeciras, Antipolo, McArthur, Muelle dela Industria Bridges, at Nagtahan Link Bridge 1 sa Maynila.
Aayusin din ang Culiat Bridges 1 at 2, at Lagarian Bridge 1 sa Quezon City; Cut-Cut Bridge, Cementina, Malibay Bridges 1 at 2, at Tramo Bridge sa Pasay; Marcos Alvarez Bridge 1 sa Las Piñas; Barangca Viaduct, Marcos, Marikina, at Nangka Bridges sa Marikina; Buting Bridge at C5/Ortigas Interchange sa Pasig; at Delpan, Mabini Bridges at Nagtahan Flyover sa Maynila.
-Mina Navarro