NAGULAT ako sa lumabas na kabuuang halaga na P2.8 bilyong piso na gagastusin ng pamahalaan sakaling ituloy nito ang proyekto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na gagawing mandatory ang drug testing para sa halos 14 na milyong mag-aaral na nasa Grade 4 hanggang Grade 12.
Ngunit ‘di ko naman ipinagtataka kung bakit tila “gigil na gigil” ang ilang opisyal ng PDEA na maipatupad sa lalong madaling panahon ang panukala nilang ito. Malaki raw ang maitutulong ng proyektong ito sa kampanya sa ilegal na droga upang malaman kung gaano na kalala ang problema sa droga sa loob ng ating mga paaralan.
Ayon kay PDEA Director General Aaron N. Aquino, ang proyekto nilang ito ay makatutulong sa pagtataboy sa masamang bisyo ng pagkagumon sa droga ng mga mag-aaral sa elementary at high school, at para na rin sa “purpose of reformation and rehabilitation” ng mga matutuklasang mga “USER” pala ng ipinagbabawal na gamot.
P’wede ba mga SIRS, oo nga’t may ilang pagkakataon na may mga batang naaresto ang PDEA, para sa akin ay hindi pa ito sapat para pagdudahan ang buong “educational system” sa bansa at ipailalim lahat, pati na ang mga guro, sa drug testing.
Komento nga ng ilang kaibigan kong pedicab driver at mga kargador sa palengke – medyo mas madumi pa nga yata ang takbo ng isip nila sa bagay na ito -- isa na naman daw itong proyektong gagawin lamang na GATASAN ng ilang ganid na opisyal ng pamahalaan. Sa dami raw kasi ng mga kabataang nasa elementarya at high school pa lamang, siguradong tiba-tiba ang mga opisyal na magpapatupad nito sa magiging komisyon nila kada turok ng karayom sa balat ng mga kabataan!
Ang halos magkakaparehong payo nila – gastusin na lamang ang bilyones na budget para sa drug test sa ibang bagay na pakikinabangan ng mga estudyante gaya ng mga libro, vitamins, at mga kagamitan sa sports para may mapaglibangan ang mga ito at ‘di mabaling sa droga ang libreng oras nila! Oh di ba, tila may isip pa sila kaysa ilang opisyal natin sa PDEA?
Naalala ko tuloy bigla ‘yong nabasa kong suhestiyon ni Senator Win Gatchalian (hindi po yung sigarilyo, ha!) sa PDEA na ibasura na lang ang planong mandatory drug testing para sa mga paaralan sa elementarya at high school, at sa halip ay ilaan na lamang ang pondo para rito, sa pagkuha at pagha-hire ng karagdagang mga guidance counselors sa mga paaralan.
Ipinupunto ni Senator Win na kung gagamitin ang P2.8 bilyong pondo sa pagtugon sa kakulangan ng mga guidance counselors sa buong bansa, ay mas magagabayan ang mga mag-aaral na makaiwas sa mga “unhealthy behavior” gaya ng pagkalulong sa droga. Malaki ang tama rito ni Senator Win!
Ang naging basehan ng rekomendasyong ito ni Senator Win ay ang nakuha niyang tala na mayroon lamang 3,220 mga guidance counselors sa buong bansa, na kulang na kulang kung ihahambing sa kasalukuyang ratio na isa kada 500 estudyante.
Bukod pa rito, maiiwas din ang mga mag-aaral sa posibleng maging traumatic experience mula sa pagsailalim sa kanila sa drug testing.
Gaya ng madalas kong sabihin sa aking mga nakaraang kolum – ‘wag ninyong i-short cut ang trabahong pulis. Palawakin ninyo ang “intelligence-information gathering” upang masapol ang mga taong talagang pasok sa ilegal na droga at hindi ‘yong ALA-TSAMBA na trabaho para lamang maka-score. Isaalang-alang naman ninyo ang katiwasayan ng pag-iisip ng 14 na milyong mga batang mag-aaral!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].
-Dave M. Veridiano, E.E.