WALANG pasubaling iniendorso at suportado ng Publishers Association of the Philippines Inc. (PAPI) ang nominasyon at paghirang kay Supreme Court Adminiostrator Jose Midas P. Marquez bilang bagong Associate Justice ng mataas na hukuman .
Dagliang nagkaroon ng bakante sa Supreme Court matapos patalsikin si dating Chief Justice Lourdes Sereno sa pamamagitan ng kontrobersiyal na pamamaraang ‘quo warranto.’
Tanging grupo sa media ang PAPI na kasalukuyang pinamumunuan ni Nelson Santos, sa limang malalaking organisasyong nag-endorso kay Marquez sa Judicial and Bar Council (JBC), bilang Associate Justice ng Mataas na Hukuman. Ang unang apat ay binubuo ng mga tauhan ng Hudikatura. Kasama rito ang Philippine Judges Association (PJA), Philippine Trial Judges League (PTJL), Metropolitan and City Judges Association of the Philippines (MetCJAP), at Philippine Association of Court Employees (PACE).
Ang PAPI ay samahan ng mga publishers o mga naglalathala at may-ari ng mga diyaryo sa bansa na ang karamihan ay mga lingguhan sa mga rehiyon at lalawigan. Bukod sa mga publishers, marami rin itong mga Associate Members ng mga Editors, Reporters, Columnists, Campus Journalists at mga Broadscasters.
Magkikita-kita sa ika-31 ng Hulyo ang naturang mga kasapi ng PAPI sa Bulwagang Plaridel ng National Press Club sa Magallanes Drive, Intramuros, Manila, para sa kanilang 2018 Midyear Conference kung kailan gaganapin din ang halalan para sa mga bagong opisyal na mangangasiwa ng kanilang samahan sa susunod na tatlong taon.
Ang tema ng kumperensiya ay “Community Media and Sound Public Governance” na nagbibigay-diin sa mahalagang papel na ginagampanan ng community media sa pagpapasulong ng wasto at mabisang pampublikong pamamahala sa mga pamayanan at sa buong bansa.
Tampok din sa pagtitipon ang isang press conference kung saan sasagutin ni Presidential spokesman Harry Roque ang mga katanungan ng mga mamamahayag. Si Roque ang kumbidadong keynote speaker ng kumperensiya.
Kinilala at pinarangalan kamakailan ngayong lingo ng Department of Science and Technology-Science Education Institute’s (DOST-SEI) ang mga ‘science scholars’ na nagtapos ngayong taon na may mga karangalan. Ginanap ang parangal sa Meeting Room 1 ng Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Makatuwiran ang naturang pagkilala. Binibigyang-diin nito na dapat hindi lamang basta makatapos ang mga science scholars ng pamahalaan, kundi magtapos ng may “academic honors,” kaya akma din ang temang “In Touch with Excellence” para sa parangal.
Sa talaan ng DOST-SEI, ang mga iskolar nito ay 97% mula sa 1,609 bayan sa bansa.
-Johnny Dayang