TUNAY na mahalagang marka ang naging desisyon ng Korte Suprema- sa naging hatol nito sa lokal na gobyerno “just share, as determined by law, in the national taxes which shall be automatically released to them.” (Section 6, Article X, Philippine Constitution).
Sa loob ng ilang taon, kinukuwenta ng pambansang pamahalaan ang “just share” ng mga lokal na pamahalaan bilang 40 porsiyento ng “national internal revenue taxes,” na nakasaad sa Section 284 ng Local Government Code, RA 7160, na lumikha ng local government units.
Nitong Hulyo 6, inihatol ng Korte Suprema na ang kompyutasyon ng 40% ay dapat na hindi lamang base sa “internal revenue” na buwis na kinokolekta ng Bureau of Internal Revenue, ngunit gayundin sa lahat ng pambansang kita, kabilang ang taripa sa custom at buwis na nakukuha ng Bureau of Customs (BoC) at mga bayarin at iba pang koleksiyon ng ibang mga ahensiya ng gobyerno tulad ng Bureau of Immigration (BI).
Inihain noong 2012 ni dating Batangas representative at ngayo’y Gobernador Hermilando Mandanas ang petisyon na kumukuwestiyon sa komputasyon ng pamahalaan ng Internal Revenue Allotments(IRA) ng mga lokal na pamahalaan. Sa kanyang petisyon, sinabi ni Mandanas na mula noong 1992 hanggang 2012 ay nasa P50 bilyon ang dapat sanang inilabas bilang IRA sa mga lokal na pamahalaan ang ibininbin ng pambansang gobyerno. Sa ngayon, sa pagtataya ng LGU umabot na ito sa P1.5 trilyon.
Marahil dahil sa nadomina ng mga ulat sa Charter change at pederalismo, dagdag pa ang mga nangyaring pagpatay sa mga mayor at vice mayor at mga pari, ang komento ni Pangulong Duterte sa Diyos, at ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin na isinisisi sa bagong batas sa buwis ay hindi masyadong naging maingay ang desisyon ng Korte Suprema.
Subalit nahaharap ngayon sa malaking problema ang Department of Finance (DoF). Sinabi ni Secretary Carlos Dominguez III na tunay na magiging matinding problema ang desisyon kung bubuhayin ito at ipatutupad, lalo’t nakasalalay dito ang bilyong pisong halaga na kinakailangang bayaran ng pamahalaan sa mga LGU, sa pagtataya ni Dominguez naglalaro ito sa P1 hanggang P1.5 trilyon. At kakayanin, aniya, na mabayaran ng pamahalaan ang bahagi lamang (instalments) ng kabuuang halaga kung sakaling ipatupad.
Sa kabilang banda, kung ang desisyon ay inaasahan—ito ay simula sa susunod na national appropriation sa 2019—kinakailangang makipagtulungan ng pamahalaan sa mga lokal na gobyerno para sa mga proyekto at programa na hinahawakan ngayon bilang pambansa, tulad ng mga farm-to-market roads. Maraming programang napagdesisyunan at ipinapatupad na ng pamahalaan ang kinakailangang maisalin sa mga lokal na pamahalaan, sapagkat ang P640 billyong kanilang natatanggap sa IRA ay tataas pa ng 50%.
Maraming rehiyon sa bansa ang matagal nang naghihinaing na lubusan silang binabalewala ng pamahalaan. Ang hakbang na isailalim sa pederalismo ang bansa ay isinulong dahil sa daing na ito. Dulot ng desisyon ng Korte Suprema, mas maraming pondo ang mapupunta ngayon sa malalayong rehiyon sa bansa. Mas may pagkakataon na ngayon ang mga lokal na pamahalaan na gawin at isulong ang mga proyektong naisin nila.
Determinado ang administrasyong Duterte na magkaroon ng bagong Konstitusyon ang Pilipinas na nakaangkla sa prinsipyo ng pederal na sistema ng pamahalaan, bagamat sa isinagawang pag-aaral kamakailan, lumalabas na maraming Pilipino—67%, ayon sa Pulse Asia survey—ang tutol sa hakbang. Sa maliit na posibilidad na hindi matuloy ngayon taon ang Charger change, maaaring sandigan ng mga dumadaing na rehiyon sa bansa ang desisyong inilabas kamakailan ng Korte Suprema, na sumisiguro na mas maraming pondo ngayon ang darating sa kanila para sa paglalatag ng mga proyekto at programang nais at kailangan nila, nariyan man o wala ang pederalismo.