Kalaboso ang tatlong hinihinalang shoplifter, kabilang ang dalawang menor de edad, matapos umanong magnakaw ng P10,000 halaga ng school supplies sa isang bookstore sa Makati City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang isa sa mga suspek na si Alexis Alvarez y Ladera, 22, ng Zone 68, Block 15, Baseco Fort Area, Barangay 649, Maynila. Hindi naman pinangalanan ang dalawang kasabwat nito na nasa edad 17 at 15.

Ang mga suspek ay inireklamo ni Gregrio Saludadez, 47, security officer ng bookstore, sa isang mall sa Ayala Center, Bgy. San Lorenzo, Makati City.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente sa loob ng bookstore, dakong 7:20 ng gabi.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Sa imbestigasyon, namukhaan ni Ramil Bala, guwardiya, ang mga suspek na may kaparehong kaso sa kabilang tindahan ng mall kaya sinundan niya ang mga ito.

Ayon kay Bala, pasimpleng kinuha ng mga suspek ang iba’t ibang school supplies, na aabot sa kabuuang P10,415.50, at isinilid sa isang backpack bag saka lumabas.

Matapos nito, agad hinarang Bala ang mga suspek at narekober ang apat na Hat Chemical, na nagkakahalaga ng P399.75 bawat isa; 10 piraso ng Faber Castell, tig-P749.75; at apat na kahon ng Crayola Colored Pencils, tig- P320.75.

Nakatakdang kasuhan ng theft (shoplifting) ang mga suspek.

-Bella Gamotea