Kinalampag ng isang lider ng Kamara ang Senado dahil diumano’y inuupuan ang mahahalagang panukalang batas ilang araw bago ang pagsisimula ng third regular session ng 17th Congress.

Sinabi ni Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbersm sa isang pahayag kahapon, na “achieving true progress means that the Senate should pass timely and crucial legislations like the Death Penalty Law for drug-related crimes and other important legislations that have passed the scrutiny of the House but are gathering dust in the Senate.”

Si Barbers ang namumuno sa Committee on Dangerous Drugs at pangunahing kaalyado ng administration coalition sa House of Representatives.

Ang kanyang obserbasyon ay hindi nalalayo sa pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez ilang buwan na ang nakalipas na inilarawan ang Senado na “Mabagal na Kapulungan”. Ang publikong tirada na ito ni Alvarez ang walang dudang nagdulot ng pagpapatalsik kay Aquilino Pimentel III bilang Senate President dahil sa kabiguang ipagtanggol ang Senado.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sa Bicameral legislature ng Pilipinas, ang isang panukala mula sa Kamara (tinatawag ding “Mababang Kapulungan”) ay kailangang may katapat na hakbang mula sa Senado (“Mataas na Kapulungan”) para ito ay umusad. Ang dalawang bersiyon ng panukala ay pagsasamahin, pagtitibay, at isusumite sa Pangulo para sa paglalagda.

Kabilang sa mga panukalang nakabitin sa Senado matapos maipasa sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Kamara ay ang Budget Reform Bill at ang Universal Health Coverage Bill.

Magsisimula ang third regular session nito sa Hulyo 23, ang araw na ilalahad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) sa Batasan Complex.

Abala ang mga mambabatas sa inaasahang pagpapatuloy ng talakayan sa Charter Change, 2019 national budget, at maraming iba pa. Halalan na rin sa susunod na taon, kayat inaalala rin ng solons kung paano manatili sa kani-kanilang posisyon.

Ipinanukala ni Barbers ang mga pagbabago sa legislative calendar para mapabilis ang trabaho ng mga mambabatas.

“I propose to have Monday to Saturday sessions, three weeks in a month, straight, with one week break to allow the representatives to go home to their respective districts,” sinabi ng Mindanao congressman.

Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, ang mga mambabatas sa dalawang kapulungan ay dumadalo sa mga sesyon mula Lunes hanggang Miyerkules sa bawat linggo.

“Wala munang aalis ng bansa until December this year until we finish all these legislations,” ani Barbers.

-ELLSON A. QUISMORIO