Umabot na sa mahigit P1 milyon ang naitalang halaga ng pinsala sa agrikultura sa Occidental Mindoro, dulot ng pananalasa ng hanging habagat na pinalakas ng bagyong ‘Henry’.
Sa pinakabagong ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes, may kabuuang P1,491,789 ang halaga ng mga nasira sa agrikultura ng probinsya: P78,900 sa bayan ng Magsaysay, habang P1,412,889 sa Mamburao, Occidental Mindoro.
Naapektuhan ng Henry ang nasa 2,401 pamilya, o 7,489 na katao sa Region 3, MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan), at National Capital Region (NCR).
Sa ulat nitong Martes, nasa 482 pasahero, pitong barko, at 12 motorbanca ang stranded sa mga pantalan.
Naitala rin ang bahagyang pagkasira ng nasa 23 bahay sa Region 3.
Samantala, 142 bayan at lungsod ang nagdeklara ng suspensiyon ng klase sa lahat ng antas kahapon, Miyerkules, sa Regions 2, 3, 4A, 4B, Cordillera, at NCR.
-Francis T. Wakefield