Sinabi ng film at TV director na si Joyce Bernal na nais niyang maramdaman ng mga tao na bahagi sila ng ipinangakong pagbabago sa paglahad ni President Rodrigo “Digong” Duterte ng kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) sa Lunes.
“Gusto ko, ‘yung mga tao maramdaman nila ‘yung mensahe ng Presidente--maintindihan nila. Maramdaman nila na kasama sila sa pagbabago,” ani Bernal sa mga mamamahayag sa pre-SONA briefing sa Pasay City
“Gusto ko ‘yung message ng pagbabago hindi puwedeng sa Presidente lang, para sa ating lahat ‘yon at kasama tayo sa pagbabago,” dugtong niya.
Para magawa niya ito, sinabi ni Bernal na kailangang maliwanag ang Plenary Hall kayat hiniling niya sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) na dagdagan ang mga ilaw.
“We are trying to negotiate na kung puwede magdagdag kami ng ilaw kasi medyo gloomy ang ilaw ng Congress,” aniya.
Nauna nang sinabi ni Bernal na nais niyang ipakita si Duterte bilang ama ng bansa sa SONA nito sa Lunes.
“’Yung pakiramdam na ‘yun, kung paano magsasalita sa nation as mayor, as a father and as the President of the Philippines. Gusto nilang maramdaman ‘yun,” aniya.
“Gusto ko sana ng magandang sequencing ng shots niya na in three shots makukuha niyo na paano yung pagmamahal niya sa Pilipinas,” aniya.
Sinabi ni Bernal, pinili ni Duterte matapos irekomenda ng aktor na si Robin Padilla, na karangalan para sa kanya na maidirehe ang SONA, lalo na’t ang naunang dalawang SONA ay idinerhe ng world-renowned director na si Brillante Mendoza.
“Very honored ako. First time ko. ‘Di ‘to pagdi-direct ng rom-com. ‘Di ‘to pagdi-direct ng traffic. Pagdi-direct ito ng SONA. May sasabihin ang ating ama para sa atin, para sa Pilipinas ‘” aniya.
Sinabi ni Bernal na walang kontrata sa pagitan niya at ng gobyerno dahil libre niyang idisirehe ang SONA. “Wala naman po, hindi naman po kailangan ng kontrata. Unless kailanganin ng gobyerno,” aniya.
“Kailangan pa ba magpabayad dun? Hindi ako magpapabayad,” aniya.
-Argyll Cyrus B. Geducos