‘WALANG tigil ang ulan…at nasaan ka araw?’

Type n’yo bang sabayan ako sa pag-awit ng ‘Nakapagtataka’ na pinasikat ng beteranong singer na si Haji Alejandro a.k.a. ‘Kilabot ng mga Kolehiyala.’

Noong dekada ‘80, walang sablay na inaawit ng barkadahan ito sa tuwing bubuhos ang ulan nang walang tigil, tulad ng nararanasan natin ngayon.

‘Napano na’ng pag-ibig sa isa’t isa?’

‘Wala na bang nananatiling pag-asa?’

‘Nakapagtataka, saan na napunta?’

Napaka-romantic, ‘di ba? Ang sarap talagang ma-in love.

Subalit habang kinakanta ito sa isang sulok ng aming garahe kahit pabulong, biglang pumasok sa aking isipan ang kaawa-awang kalagayan ng ating mga kababayan ngayong kasagsagan ng buhos ng ulan.

Nasa headline ngayon ng mga pahayagan ang mga larawan ng kalunus-lunos na sinapit ng libu-libong taga-Metro Manila na nalubog sa baha, naipit sa trapik at halos namuti ang mata sa kahihintay ng pampublikong sasakyan.

Halos ano mang sulok sa Kalakhang Maynila ay may ganitong eksena.

Taun-taon ay ganito ang ating nararanasan.

Ngayon, ito ang tanong.

Bumubuti na nga ba ang kalagayan nating mga taga-Metro Manila kumpara sa mga nakaraang dekada?

Dati-rati, kapag bumaha sa isang lugar halos isang linggo na ang nakararaan ay hindi pa rin ito humuhupa.

Ito marahil ang dahilan kung bakit maraming kabataan ang nahihilig sa paglangoy dahil sa pagsabak nila sa baha at binabalewala ang posibleng karamdaman na posibleng maidulot nito.

Dahil sa tagal ng paghupa ng baha, may mga kabataang nagnanakaw ng tsinelas na iniwan sa bukanan ng pintuan ng bahay.

Ito’y hindi gagamitin bilang proteksiyon sa paa ngunit hihiwain at gagawing bangka na ikakarera sa baha.

At kapag hindi umaagos ang baha, lalagyan nila ang bangkang tsinelas ng layag na ginupit mula sa plastic cover ng kanilang school notebook.

Habang aliw na aliw ang mga kabataan sa karera ng bangka, lugmok naman ang mga magulang habang nakadungaw sa bintana ng kanilang bahay.

Kailan kaya huhupa ang baha? Paano na ang labada? Kailan kaya magbubukas muli ang klase?

Karadalasan noon, habang mataas at hindi humuhupa ang baha ay wala ring supply ng kuryente.

Masuwerte pa tayo ngayon at maganda na ang serbisyo ng PAGASA (Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration) dahil sa dami na kanilang ginagamit na weather forecasting equipment.

Masasabi rin natin na mas accurate ang pagbabalita ng PAGASA sa mga paparating na bagyo kaya’t nakapaghahanda na tayo.

Kaya relax lang, mga pare at mare ko!

Kanta muna tayo: Pumapatak na naman ang ulan sa bubong ng bahay…

-Aris Ilagan