HANGGANG ngayon ay hindi pa handa ang mga Pilipino na tanggapin ang pederalismo o sistemang pederal sa ating bansa. Batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, dalawa sa tatlong Pinoy ang hindi pabor sa pag-aamyenda sa Constitution samantalang karamihan ay ayaw sa pagpapalit ng sistema ng gobyerno mula sa presidential form para maging federal system.
Sa survey noong Hunyo 15-21, lumalabas na 67% ng mamamayan ay ayaw sa Charter Change (Cha-Cha) samantalang 18% lang ang pabor dito. Ang nalalabing 14% ay undecided o walang pakialam sa isyu. Bakit kaya parang ipinipilit na palitan ang Konstitusyon gayong ayaw ito ng mga tao? Pero, sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na ang pag-ayaw ng mga Pinoy sa pederalismo ay bunsod ng kakulangan ng impormasyon tungkol dito.
Hindi pala dadalo sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si ex-Pres. Noynoy Aquino sa Hulyo 23. Sa nakaraang dalawang SONA, hindi rin dumalo ang solterong ex-President. Si Vice Pres. Leni Robredo ay handa namang dumalo. Dadalo rin sina ex-Presidents Fidel V. Ramos, Joseph Estrada, at Gloria Macapagal-Arroyo.
Kung si PRRD ang masusunod, nais niyang magretiro na si boxing icon Sen. Manny Pacquiao matapos manalo kay Argentinian boxer Lucas Mathysse sa bakbakan sa Kuala Lumpur noong isang linggo. Nanood sina Mano Digong at Malaysian Prime Minister Mahathir sa sagupaan nina Pacquiao at ng WBA welterweight champion na si Mathysse. Pero, sabi ni Pacman, puwede pa siyang makipagbasagan ng mukha ng dalawa o tatlong beses bago niya tuluyang iwanan ang larangan ng boksing.
Ibinalik na ng Philippine National Police (PNP) ang security escorts ni Sen. Antonio Trillanes IV, mahigpit na kritiko ni Pangulong Duterte. Ayon kay Trillanes, hinihintay pa niya ang pagbabalik ng dalawa pang security escort mula naman sa Armed Forces of the Philippines.
Para sa National Democratic Front (NDF), ang desisyon ng gobyerno na sa mga lokal na lider na lang ng New People’s Army (NPA) makipag-usap ng kapayapaan, ay naglalayong ma-isolate si Jose Ma. Sison. “Localized talks are a classic divide and rule tactic”, ayon sa NDF. Si Joma, founder ng Communist Party of the Philippines, ay chief consultant ng NDF sa usapang-pangkapayapaan sa Duterte administration.
Nagulat ang mga mamamayan nang isang araw ay bulagain sila ng malalaking tarpaulin na nakakabit sa ilang estratehikong lugar sa Metro Manila na ang nakasulat ay WELCOME TO THE PHILIPPINES, PROVINCE OF CHINA. Hindi pala ito nagustuhan ng China, ayon kay Chinese Ambassador Zhao Jianhua.
Sinabi ni Shao na kailanman ay hindi magiging probinsiya ng China ang Pilipinas at kailanman ay hindi magiging bahagi ng dambuhalang China ang ‘Pinas. Sa mula’t mula pa ay maganda ang relasyon ng dalawang bansa. Sana ay manatili ang magandang relasyon ng China at Pilipinas at ito ay lalong sumigla sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte.
-Bert de Guzman