MATAGUMPAY ang unang araw ng isinasagawang National Anti-Doping Summit ng Philippine Sports Commission (PSC)kahapon na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC).

Mismong si Gilas Pilipinas shooting guard Kiefer Ravena, ay dumalo sa nasabing Summit upang matutunan ang kahalagahan ng Anti-Doping lalo na sa mga atletang tulad niya.

Matatandaan na kamakailan lamang nang masangkot si Ravena sa paggamit ng isang energy drink na hindi kabilang sa mga inirerekumenda sa kanila upang inumin, bilang kasapi ng national team, na naging dahilan ng pagkakasuspindi nito sa koponan ng Gilas.

Hinikayat ni Ravena ang mga kapuwa niya atleta na dumalo at makinig sa huling dalawang araw pa ng Summit upang malaman nila kung paano sila matutulungan ng naturang proyektong ito ng PSC.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kabilang din sa mga dumalo sa nasabing Summit, ay si Philippine Olympic Committee (POC) representative to the IOC na si Mikee Cojuangco kasama ng mga national sports association, gobyerno at mga opisyales ng local government unit (LGUs) upang matutuhan ang kahalagahan ng Anti- Doping lalo na sa mga atleta.

Ayon kay Cojuangco, ang pagiging totoo sa sarili ang magiging ugat kung bakit ang isang atleta ay nararapat lamang na maglaro ng patas sa anumang kompetisyon na kanyang lalahokan.

“If we are not true, we will be destroying every reason why we are in sports in the first place,” ani Cojuangco.

Layunin ng nasabing Summit nalipulin at mailayo ang mga atletang Pilipino sa paggamit ng mga gamot na magbibigay sa kanila ng panandaliang lakas ngunit magbibigay ng negatibong epekto sa kanilang katawan.

“The end goal really is to have a doping-free sporting community,” ayon kay PSC-Philippine National Anti-Doping Organization Head na si Dr. Alejandro Pineda, na siyang kasama ni Philippine Sports Institute Director Marc Edward Velasco, na nag organisa ng nasabing event.