BAHAGI ang bawat isa sa pagkapanalo ni Manny Pacquiao kontra sa Argentine boxer na si Lucas Matthysse sa ginanap na labanan sa ring para sa World Boxing Association (WBA) welterweight crown sa Kuala Lumpur, Malaysia, nitong Linggo.
Nang mapatumba niya ang kanyang kalaban sa ikatlo at ikalimang round at tuluyang pabagsakin sa ikapitong round ng laban, nagsitalon ang mga manonood na sumubaybay sa telebisyon, tanda ng matinding suporta sa kanya. Tila naging ganito na ang mga eksena sa tuwing siya ay may laban; pansamantalang tumitigil ang lahat ng bagay, maging ang trapik, sa araw ng kanyang pakikipagbakbakan.
Dahil sa sinasabing pagbagal niya sa kanyang huling mga laban, at ang siyam na taong nakalipas nang huli siyang makapanalo sa pagpapabagsak ng kalaban, inakalang sa edad niyang 39—ay nalipasan na siya ng panahon. Ngunit nitong Linggo, ipinakita niya ang bagong bilis na marahil ay gumulat sa kanyang katunggali na mas bata ng apat na taon sa kanya.
Kaisa ni Senador Pacquiao ang kanyang mga kapwa opisyales na sinamahan siya sa pagharap sa kanyang kalaban sa loob ng ring—mula kay Pangulong Duterte na personal na nanunuod ng laban sa Kuala Lumpur, ang kanyang mga kapwa senador, gayundin ang mga kongresista mula sa iba’t ibang partido, maka-administrasyon man o oposisyon.
Para sa Armed Forces of the Philippines (AFP), kung saan isang colonel si Pacquiao sa Reserve Force, ang pagkapanalo niya ay nagpapakita sa buong mundo kung gaano kadeterminado, disiplinado at kasipag ng mga Pilipino, tulad ng kanyang mga kasama sa AFP. Sinabi naman ng Philippine National Police (PNP) na nagsisilbing inspirasyon si Pacquiao sa bawat Pilipino para makiisa sa paglaban sa krimen at ilegal na droga sa bansa.
Ang natamong karangalan ni Pacquiao, bilang isang boksingero at isang opisyal, ay mahalagang bagay para sa mga mamamayan ng Mindanao. Ang anak na ito ng General Santos City kasama ng iba pang mga anak ng Mindanao, sa pamumuno ni Pangulong Duterte, ay nagdala ng karangalan sa kanilang pinagmulang rehiyon gayundin sa buong bansa.
Hindi alam ng marami ang katotohanang si Pacquiao, na isang dropout sa high school na nakipagsapalaran sa Maynila, ay malaki na ang naibahagi sa kanyang mahihirap na kababayan sa pinagmulang probinsiya mula sa kanyang mga kinita. Nitong 2016, umabot na sa $200 million ang ibinigay niya mula sa $500 million na kanyang kinita mula sa mga laban at endorsement. Nagpatayo siya ng libreng pabahay para sa mga taong walang tirahan sa Bales Village sa Saranggani.
Si Pacquiao, na Born-Again Christian, ay sinimulan ding ipatayo ang P200 milyong halaga ng bahay sambahan sa isang limang ektaryang lupain sa General Santos City noong 2014. “I owe to God everything I have now,” aniya. Matapos niyang magpahinga mula sa boxing, aniya, ipapakalat niya ang Salita ng Diyos bilang isa sa kanyang mga trabaho.
Sa maraming sektor, at maraming lebel, ipinagdiwang ng buong bansa ang tagumpay ni Pacquiao nitong Linggo. Sa kanyang pagbati sa kampeon, sinabi ni Pangulong Duterte na baka ito na ang panahon para magpahinga at tamasahin ang saya ng buhay. “I’d like to see my friend rest on his laurels and enjoy life,” pahayag ng Pangulo.
Sa edad na 39, karamihan sa mga boksingero ay nalipasan na ng kanilang kalakasan at ang boxing ay isang maparusang sport. Ngunit si Pacquiao, na nabigo sa apat mula sa kanyang huling sampung laban, ay tila nakatagpo ng bagong lakas at bilis sa kanyang pakikipagtunggali kay Matthysse at nariyan din ang bali-balitang pakikipaglaban niya sa iba pang mga kampeon, posibleng si Floyd Mayweather muli. Anuman ang kanyang maging desisyon, nakuha ni Pacquiao ang pasasalamat ng bansa para sa karangalang kanyang ibinigay sa atin at ang ating suporta anuman ang kanyang huling desisyon.