NAGSAMA-SAMA ang mga empleyado ng gobyerno at mga mamamahayag sa Baguio kamakailan, upang magtanim ng nasa 100 pine trees sa Busol Watershed bilang paggunita sa mga biktima ng lindol na yumanig sa hilaga at gitnang bahagi ng Pilipinas, 28 taon na ang nakalipas.

Sinabi ni Dexter See, ng City Information Office, sa mga kalahok na ang pagtatanim ng mga puno ay bahagi ng Eco-Wak activity na binuo noong 1992 ng mga Baguio Correspondents and Broadcasters Club (BCBC) sa pangunguna ni dating city information officer Ramon Dacawi.

Ginamit ng lokal na pamahalaan ang tree-planting initiative bilang bahagi ng environmental awareness activity ng programa ng Disaster Risk Reduction Management (DRRM) ng lungsod, sa pamamagitan ng City Information Office.

Sa pagbabahagi ni City Information Office chief Aileen Refuerzo, ang tree-planting activity ay nabuo bilang pag-alaala sa mga nasawi sa lindol noong 1990 kung saan 1,283 ang namatay habang 321 ang nawawala.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa halip na gumawa ng isang pader na may pangalan ng mga nasawi, ginamit ng Baguio City ang aktibidad para alalahanin ang mga biktima ng lindol.

Sa ginanap na Eco-Walk, isang ritwal ang isinagawa sa pamamagitan ng pagkatay ng isang baboy sa tradisyunal na paraan at ibigay ito sa “kabunyan” (god) upang maiwasan ang pag-ulit ng sakuna.

Ang Busol watershed ang pinagkukunan ng halos 40 porsiyento ng tubig na ginagamit ng mga residente sa lungsod. May lawak itong 336 na ektarya, kasama ang 224 na ektarya na makikita sa La Trinidad, Benguet, habang 112 ektarya ang makikita sa Baguio.

“It all started during an Eco-Walk with school children organized by Ramon Dacawi, when he asked the children where water comes from,” pagkukuwento ni Joseph Zambrano of the Philippine Information Agency (PIA) Cordillera.

Pagpapatuloy ni Zambrano, nagulat si Dacawi nang sumagot ang mga bata ng, “It comes from the faucet.” At nang muling tanungin ang mga bata kung saan nanggagaling ang tubig sa poso ay sumagot ang mga bata na galing sa tangke.

Sa puntong iyon, napagtanto ni Dacawi na kailangang turuan ang mga bata tungkol sa mga likas na yaman. Ipinaliwanag niyang mula ang tubig ng poso at tangke sa ilalim ng lupa sa mga gubat.

“People who plant the seedlings will always come back to nurture the plant and to take care of the environment,” ani Zambrano.

Samantala, ang programang Eco-Walk ang nagkamit ng “Galing Pook” award, na iginawad ng Asian Institute of Management and the Department of the Interior and Local Government, noong 1996.

PNA