Maging ang voter’s registration sa ilang rehiyon na idinaraos ng Commission on Elections (Comelec) para sa mid-term elections sa susunod na taon ay naapektuhan din ng masamang panahon, at sinuspinde.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, nagpasya ang Comelec na pansamantalang suspendihin ang voter’s registration sa mga field office nila sa Metro Manila, Regions 4-A at 4-B, Bataan, at Bulacan simula Martes ng hapon dahil sa malakas na ulan at malawakang baha.
Una nang sinuspinde ang pasok sa Comelec sa mga naturang lugar para sa kapakanan ng kanilang mga empleyado, kasama na rito ang pasok sa punong tanggapan ng poll body sa Intramuros, Manila.
“Commission en Banc today announced work suspension effective 12NN, for the ff COMELEC field offices, d/t #HenryPH: NCR, Region 4A, Region 4B, Bataan, Bulacan,” post ni ni Jimenez sa kanyang Facebook at Twitter account.
“#VoterReg2018 in those areas is likewise temporarily suspended; work in the COMELEC Main Office, also suspended,” aniya pa.
Sinimulan ang voter’s registration nitong Hulyo 2, at magtatapos sa Setyembre 29, 2018.
-Mary Ann Santiago