Kinumpirma ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tuloy ang schedule ng Metro Manila Shake Drill ngayong linggo, umulan man o umaraw.

Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na gaganapin ang Shake Drill ngayong linggo sa kabila ng patuloy na nararanasang masamang panahon dulot ng habagat, na pinaigting pa ng bagyong ‘Henry’.

“Rain or shine, the Shake Drill will proceed,” ani Garcia.

Aniya, ang pagsasagawa ng Shake Drill sa kasagsagan ng pag-uulan ay magbibigay sa MMDA at ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRC) ng pagkakataon na maghanda para sa worst-case scenarios.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

“We can do the shake drill the easiest way possible but what if an earthquake happens on a critical time? This way we can prepare for the worst case possible,” dugtong nito.

Babala ni Garcia, inaasahang magdudulot ng matinding trapiko ang isasagawang shake drill sa buong Metro Manila.

Iba’t ibang senaryo sa shake drill ang isasagawa ng mga local government units, pribadong institusyon, paaralan at establisimiyento sa mga lugar sa Metro Manila.

Ayon pa kay Garcia, layunin ng shake drill na ipakilala ang kultura ng pagiging handa ng publiko sa posibleng pagtama ng malakas na lindol.

Hinikayat naman nito ang publiko na gamitin ang hash tag #MMShakeDrill sa araw ng drill, bilang tanda ng pakikiisa.

-Bella Gamotea