Nakansela ang ilang biyahe ng mga tren ng Philippine National Railways (PNR) matapos na malubog sa baha ang ilang bahagi ng riles nito, dulot ng pabugsu-bugso at walang tigil na ulan sa Metro Manila, kahapon.

Batay sa abiso sa kanilang Facebook at Twitter account, nabatid na kabilang sa mga riles ng PNR na inabot ng baha ang bahagi ng Magsaysay Crossing sa Sta. Mesa, Paco Station, at Dimasalang sa Blumentritt, pawang sa Maynila.

Inabot umano ng tatlo hanggang limang pulgada ang lalim ng baha sa mga riles kaya napilitan ang PNR na kanselahin na ang ilang pang-umagang biyahe ng mga tren nito.

Partikular na nakansela ang mga biyaheng patungo sa Alabang, Muntinlupa City, gayundin ang magkakasunod na biyahe patungo sa Tutuban sa Maynila.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Samantala, stranded din ang ilang tren ng PNR sa Alabang, Sucat, Dela Rosa, Vito Cruz at Pandacan Stations, at isinisingit na ibinibiyahe lamang kapag humuhupa ang baha sa riles.

Samantala, iniulat naman ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na ilang istasyon ng Light Rail Transit (LRT)-Line 1 ang binaha kahapon.

Hanggang 9:30 ng umaga ay umabot na sa hanggang tuhod ang baha sa R. Papa at 5th Avenue Stations sa Caloocan City, habang nasa gutter deep naman ang baha sa Bambang Station, Pedro Gil Station, at United Nations Station. Lampas naman sa gutter deep ang baha sa Balintawak Station sa Quezon City.

-Mary Ann Santiago