MATIKAS ang simula ng Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa Marshalls, St. Joseph College-Bulacan at First City Providential College Taurus sa pagbubuka ng 16th Fr. Martin Cup Division 2 basketball tournament nitong weekend.
Ginapi ng Marshalls, sa pangunguna nina Daniel Austria, James Gemao at Jan Posada, ang National University-B Bullpups, 85-69, sa St. Placid gymnasium sa loob ng San Beda-Manila campus sa Mendiola.
Kabuuang 15 collegiate squad ang kabilang sa senior division ng torneo.
Nanguna si Austria sa nakubrang 18 puntos para sa Marshalls, habang nag-ambag sina Gemao at Posada ng 16 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Sinandigan naman ni Mark Javier sa naiskor na 27 puntos ang SJC-Bulacan laban sa San Beda University-Manila B, 94-68, sa Group A ng junior division. Pinangangasiwaan ang koponan ni athletic director Willy Ventura.
Hataw naman si Theo Pabico ng game-high 33 puntos sa dominanteng panalo ng FCPC Taurus kontra University of Santo Tomas Tiger Cubs, 115-109, sa double overtime.
Kumana si Pabico ng driving layup at tatlong free throws sa huling 33 segundo para sandigan ang FCPC.
May kabuuang 16 koponan ang sasalang sa high school division sa torneo na isinasagawa bilang pagpupugay kay Fr. Edgar Martin, ayon kay league commissioner Robert de la Rosa