APAT sa limang Pilipino o 81% ng mga Pinoy ay hindi bilib sa polisiya ng administrasyon sa umano’y “pagsasawalang-kibo” sa mga ginagawa ng China sa West Philippine Sea (WPS). Sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Hunyo 27-30, tinanong ang 1,200 adult respondents hinggil sa “what’s right and not right for the government to do to resolve the West Philippine Sea conflict” o ano ang dapat gawin ng gobyerno tungkol sa hidwaan sa WPS.
Ayon sa SWS, 81% ng mga Pilipino ay naniniwalang hindi dapat hayaan ng Duterte administration ang China sa patuloy na pagtatayo ng mga structure at militarisasyon sa mga teritoryo na saklaw ng ating bansa. Ano naman kaya ang survey results ng Pulse Asia tungkol dito? Hintayin natin ang kanilang survey para malaman kung iba ito sa SWS.
Wala raw interesado sa puwesto ng Supreme Court Chief Justice na binakante ni ex-CJ Ma. Lourdes Sereno matapos siyang ma-quo warranto ni Solicitor General Jose Calida. Ito ang inihayag ng isang miyembro ng Judicial and Bar Council (JBC) na si lawyer Jose Mejia. Siya ay miyembro ng JBC na kumakatawan sa academe. Bakit kaya?
Ayon kay Mejia, hanggang nitong Hulyo 13 o halos isang buwan matapos patalsikin si Sereno ng kapwa niya mga mahistrado sa botohang 8-6, wala pang aplikasyon o nominasyon na isinumite sa Supreme Court.
Binanggit din niya na hindi tumugon ang lima sa most senior justices para sa kanilang automatic nominations para tanggapin o hindi ang kanilang nominasyon. Sila ay sina Acting Chief Justice Antonio Carpio, Associate justices Presbitero Velasco Jr., Teresita Leonardo-de Castro, Diosdado Peralta, at Lucas Bersamin. Bakit, nahihiya ba sila sa pagpapatalsik kay Sereno o takot silang maging Chief Justice dahil may mga sikreto silang alam ng Malacañang?
Panalo sa pamamagitan ng knock-out si boxing icon Sen. Manny Pacquiao laban sa Argentinian boxer na si Lucas Mathysse, ang WBA welteweight champion. Ginanap ang bakbakan sa Kuala Lumpur. Sinaksihan ito ng dalawang lider ng bansa--- sina Malaysian Prime Minister Mahathir at Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas.
Hindi ba ninyo napansin na kung may “photo bomber” ang ating Pangulo sa halos lahat ng kanyang larawan, may “photo bomber” din si Manny Pacquiao? Ang photo bomber ni PRRD ay si SAP Bong Go samantalang ang photo bomber naman ni Pacquiao ay si ex-Ilocos Norte Gov. Chavit Singson.
Nauso ang salitang photo bomber nang magtayo ng isang malaki at mataas na gusali sa likuran ng monumento ni Dr. Jose Rizal sa Luneta. Ano na kaya ang balita tungkol dito?
-Bert de Guzman